EO sa pagmimina kukwestyunin sa SC

NAKATAKDANG kwestyunin ng Bayan Muna sa Korte Suprema ang inilabas na Executive Order 79 ng Palasyo kaugnay sa pagmimina sa bansa.

Binigyang diin ni Bayan Muna Partylist Rep. Teddy Casino na mistulang ginawang ligal ng Palasyo ang operasyon ng mga malalaking pagmimina na posibleng maging daan pa ng kanilang mas malaking kita.

Subalit kakaiba rin ang palagay dito ni Anakpawis Partylist Rep. Rafael Mariano dahil ang EO aniya ay nagbibigay lamang ng maling pag-asa sa mining policy sa pagsasabing ito ay win-win solution para sa ekonomiya, gobyerno at sa mga katutubo.

Ang totoo aniya ay nililinlang lamang ng Palasyo ang publiko dahil wala namang proteksyon sa kapaligiran ang kautusan at tiyak na sasamantalahin ng mga malakihang lokal at dayuhang kumpanya ng pagmimina ang likas na yaman ng Pilipinas.

Sinabi pa ni Mariano na tila pinalalakas pa diumano ang dominasyon ng malalaking dayuhang korporasyon sa industriya ng pagmimina at inaalisan ng karapatan ang mga maliliit na stakeholders lalo na ang mga katutubo na higit na apektado sa gagawing operasyon.

Nangangamba naman si Zambales Rep. Mitos Magsaysay na mauwi lamang sa ningas kugon ang implementasyon ng Executive Order 79 o ang bagong mining policy ng gobyerno.

Naniniwala si Magsaysay na maganda ang layunin ng palasyo pero kailangan ang political power para magtagumpay ito.

Mahalaga aniyang maglatag ang gobyerno ng pangmatagalang solusyon at maging handa sa posibleng negatibong epekto nito.

Nababahala ang kongresista na babawiin din ni Pangulong Aquino ang EO kapag nakapagpasa ng bagong batas para madagdagan ang kita ng gobyerno subalit walang solusyon sa mga residenteng apektado nito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply