EV-71 gawing notifiable disease – DoH

IPINAG-UTOS ni Health Secretary Enrique Ona sa National Epidemiology Center (NEC) ng Department of Health (DOH) na isama na ang Enterovirus-71 (EV-71) infections sa notifiable disease sa bansa.

Ayon kay Ona, sa ganitong paraan ay mapipilitan ang lahat ng health providers sa bansa, partikular na ang physicians, na iulat sa kanila ang mga indibidwal na may kaso ng sakit, lalo na sakaling magkaroon ng outbreak.

Sinabi ng kalihim na mahalagang matiyak na ligtas ang bansa mula sa nakamamatay na uri ng EV-71 infections na kumitil na sa buhay ng halos 60 paslit sa Cambodia simula lamang nitong Abril.

Nabatid na ang EV-71 ay nagiging sanhi ng iba’t ibang karamdaman na may iba’t ibang intensidad, na kinabibilangan ng mild hand, foot and mouth disease (HFMD), acute respiratory disease, acute flaccid paralysis (polio-like) at ang nakamamatay na brainstem encephalitis.

Ang HFMD ay itinuturing na ‘self- limiting illness’ na may kaakibat na sintomas na lagnat at pagkakaroon ng skin lesions o rashes.

Nilinaw din naman ng DOH at ng World Health Organization (WHO) na ang Cambodian EV-71 infection ay ang ‘encephalitis type’ at hindi HFMD.

Karamihan sa mga Cambodian children na nagkalagnat ay nagkaroon ng mabilis na respiratory deterioration at impaired consciousness at nangamatay matapos ang may 24 oras na na pagka-confine sa pagamutan.

Sinabi ng DOH na mayroon ding EV-71 infections sa bansa ngunit naiuulat lamang ng may iregularidad.

Madalang din umano ang kaso ng nakamamatay na EV-71 infection sa bansa.

Ipinaliwanag pa ng DOH na kinakailangan ang maayos na pagtatapon ng baby diaper at dumi ng tao, pagkakaroon ng istriktong personal hygiene at regular na paghuhugas ng kamay upang maiwasan ang pagkalat ng virus ng sakit na nakukuha sa dumi at bituka ng tao.

Hinimok din ng DOH ang mga magulang at day care personnel na linisin at i-disinfect ang mga laruan at teaching tools na ginagamit ng mga bata.

Iginiit ng DOH na mas mabuti nang maging maingat lalo na at walang kilalang epektibong gamot o bakuna laban sa EV-71.

Sinabi naman ni Ona na nananatiling walang travel restriction papasok at palabas ng Cambodia at isinasailalim lamang sa thermal screening ang mga pasahero na dumarating sa international airports sa bansa bilang routine quarantine procedure.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply