Ex-PGMA nakauwi na sa La Vista, QC

PAGKATAPOS ng walong buwan na pananatili sa Veterans Memorial Medical Center, ay naka-uwi na sa kanyang tahanan sa La Vista, Quezon City si dating Pangulong Gloria-Macapagal Arroyo.

Mag-aalas-3:00 ng hapon nang makalabas sa VMMC ang dating Pangulo pagkatapos na maglagak ng isang P1 milyon piyansa.

Si Ginang Arroyo ay sinundo ng kanyang mga anak, kalapit na kaibigan at kaalyado sa ospital.

Bago umuwi sa La Vista, ay dumaan muna si Gng. Arroyo sa chapel ng ospital upang magdasal.

Una rito, pinaboran ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112 ang hirit ng kampo ni dating Pangulo na makapaghain ng kaukulang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya sa kinakaharap na kasong electoral sabotage.

Batay sa pitong pahinang desisyon ni Pasay RTC Judge Jesus Mupas ng Branch 112, pinayagang makapagpiyansa ng P1 milyon ang dating Pangulo bunga ng mahinang ebidensiya na iprinisinta ng Comelec at Department of Justice na magpapatunay na may nangyaring sabuwatan upang dayain ang resulta ng 2007 elections.

Sa desisyon ni Mupas, ang tanging ebidensiya lamang na naiprisinta ng taga-usig ay ang testimonya ni Engr. Norie Unas na bukod sa may mahinang kredibilidad ay hindi pa rin kapani-paniwala ang mga testimonya.

Sa kanyang pagharap bilang testigo, sinabi ni Unas na kasama siya nang magpatawag ng pagpupulong ang dating Pangulo at inatasan si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr. na siguraduhin na magkakaroon ng 12-0 victory pabor sa Team Unity ng Lakas NUCD-CMD at matiyak na zero o walang makukuhang boto sina Cayetano, Aquino at Lacson.

Gayunman, sa isinagawang cross examination, inamin ni Unas na hindi niya nasaksihan ang nangyaring dayaan sa Maguindanao gayung sinabi niya na siya ang inatasan ni Ampatuan Sr. na mag-asikaso at tumustos sa pangangailangan.

Sa kabila ng pagpayag ng korte kay Gng. Arroyo na makapaglagak ng piyansa, ibinasura naman ni Judge Mupas ang hirit nina Ampatuan at dating Maguindanao Election Supervisor Lintang Bedol na makalaya sa bisa ng piyansa.

Nakasaad sa desisyon ni Mupas na matibay ang ebidensiyang inilatag ng taga-usig laban kina Ampatuan at Bedol lalo na nang mabigo ang huli na maiprisinta sa National Board of Canvassers ang mga election documents at sinabi pa na nawala o ninakaw habang nasa kanyang pangangalaga.

Pasado ala-una ng hapon nang lagdaan ni Judge Mupas ang release order kay Gng. Arroyo at kaagad itong dinala ni Sherriff Rodelio Buenviaje sa Veterans Memorial and Medical Center upang isilbi para sa pansamantalang paglaya ng dating Pangulo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply