Ford closure masamang badya

NOONG 1960’s, ang Pilipinas ang central hub napinagkukunan ng kotse sa Asya dahil nandito ang mga American at European brand. Dito galing ang hilig ng mga Filipino sa Mustang, Camaro, Mercedes Benz, Fiat at iba pa.

Noon, isang grupo ng mga mayayaman ang nagbalak na bumuo ng isang tunay na Philippine made car. Ito yung grupo ng Ismael Family (may-ari ng Ismael Steel noon), Ricardo Silverio, at pamilya Dela Merced na mayari ng Delta Motors.

Mataas ang pangarap nila noon dahil ang Pilipinas ang perlas ng silangan at lahat ng komersiyo ay dito nagdaraan. Kung ang Britanya ay may Hong Kong, ang America ay may Pilipinas.

At dahil nandito ang mga Amerikano, siyempre nandito rin ang kanilang mga negosyo. Tela, sapatos, inumin, at siyempre mga kotse.

Sa atin bumibili ang mga mayayaman ng Malaysia, Thailand, Indonesia, at Singapore ng kanilang mga “imported” na gamit. Hindi sa Hong Kong o Bangkok ang punta ng tao sa Asya. Dito sila sa Avenida at Escolta namimili ng mga gamit nila.

Tapos biglang nagka-Martial Law. Pero hindi naman nawala ang mga Amerikano at ang mga produkto nila na yung iba, tulad ng Ford, ay nagtatyo ng planta dito.

Umalis ang Ford bago mawala ang Martial Law, noong nakikita na nila ang gulo na sasabog sa pagpapatalsik kay Ferdinand Marcos. Inunahan na nila bago sila maipit.

Ngayon, muling isinara ng Ford ang planta nila sa Sta. Rosa. Economic conditions daw at ang katotohanang hindi kaya ng ekonomiya ng Pilipinas na sumuporta ng isang industriya ng kotse.

Masakit sa tenga ang sinasabing ito sa amin ni Peter Fleet, ang mabait na Presidente ng Ford sa ASEAN.

Pilit niyang pinalalambot ang mapait na balita, pero sa bandang huli, masakit pa ring tanggapin na ililipat na nila sa China at Thailand ang operasyon nila.

Nang kausapin ko ang ilang kaibigan ko sa local auto industry, naiitindihan daw nila ang Ford. Bagama’t hindi sila magsasalita ng hayagan sa katotohanang ito, tahimik silang nag-aabang ng mga susunod na magaganap.

At simple lang ang inaabangan nila. Sino ang susunod?
Sa mahal ng buwis mag-import ng kotse, hindi ito basta mabili. Sa tindi din ng buwis sa lahat ng parts na imported para gumawa ng kotse, hindi na rin praktikal na rito ito buuin.

Hindi rin natin kayang magbenta ng kotse na sindami ng tulad ng Thailand at Indonesia at walang matinong batas ang tumutulong sa industriya ng kotse sa atin.

Panay gastos ang manufacturers na ipinapasa naman nila sa consumers.

Sa bandang huli, mas ginugusto tuloy ng mga Filipino ang bumili ng smuggled o second hand na kotse kasi mas mura.

Ngayon, kung hindi kikilos ang ating pamahalaan para sa isang tunay na long term solution para mapaganda ang automotive industry, malamang maging import market na lamang tayo.

Tayo na ang pupunta sa Thailand at China para maghanap ng kotse natin. Tulad ng nangyari sa negosyo ng tela, asukal, bigas, bakal at maraming-marami pang iba.

Unless may naaamoy ulit ang mga Kano na hindi nila sinasabi sa atin.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply