Huling lamay ni Dolphy, napuno ng kasiyahan, magagandang ala-ala

NAPUNO ng katatawanan at kuwentuhan ng magandang mga alaala ang huling lamay ng Comedy King na si Dolphy sa chapel ng The Heritage Park sa Taguig City.

Sa nasabing final tribute na tinawag na “Comedy night”, unang nagbahagi ng kanyang mga alaala sa Hari ng Komedya ang tv host-comedienne na si Pokwang.

Ayon sa babaeng komedyante, naging bahagi na ng kanyang pagkabata si Dolphy kahit noong panahon na wala pa silang telebisyon at nakikinood lamang sa kapitbahay.

Naging inspirasyon niya si Dolphy upang mahasa pang maiigi ang kanyang pagpapatawa. Itinuturing din ni Pokwang ang Comedy King bilang ikalawang ama kaya hindi niya makakalimutan ang mga naitulong nito sa kanyang buhay.

Kung kung muli siyang bibiyayaan ng anak na lalaki, sinabi ni Pokwang na  papangalanan niya itong “Rodolfo” na halaw sa tunay na pangalan ng Hari ng Komedya.

Nagkuwento rin ng mga nakatutuwang karanasan kasama si Dolphy ay ang komedyante at writer-director na si Cesar Cosme gayundin si Herman Salvador na kilala bilang Brod Pete at Isko sa “John en Marsha.”

Maraming katatawanang ibinulgar si Brod Pete kabilang ang tungkol kay Vandolph na sinabi nitong pinaka-natutuwa para sa kanyang daddy kasi bata ka pa lang pinagkakitaan ka na niya,” sabi ni Brod Pete.

Nagsalita rin si Arnell Ignacio hinggil sa mga naging engkuwentro niya kay Dolphy.

Dumating din at nagsalita si Vice-President Jejomar Binay at ibinahagi kung paano sila naging malapit ng kanyang kumpadreng Dolphy gayundin si San Juan Congressman JV Ejercito.

Naroon din si Manila Mayor Alfredo Lim na inalala ang matagal nilang pinagsamahan ni Dolphy mula sa Tondo kung saan sila sabay na lumaki, hanggang siya’y maging pulis at hanggang pumasok siya sa pulitika.

“‘Yan ang taong dapat pamarisan. Di yung mga taong nasa posisyon tulad namin. Makasalanan kami eh,” sabi ni Lim.

Sa nasabing tribute, hinikayat ni Bibeth Orteza, biographer ni Dolphy na siyang nagsilbing host, na magbigay ng “final belly laugh” bilang pagsaludo sa Hari ng Komedya.

Binanggit niyang ito ang gusto ni Tito Dolphy, ang magtawanan.

“Hindi po tayo nagluksa. Atin pong ipinagdiwang ang isang buhay na nagbigay sa atin ng kaligayahang hindi matatawaran,” sabi ni Orteza.

Bago naman ang Comedy night, nagmisa muna para kay Dolphy na alay ng mga kasamahan ni Zsa Zsa Padilla sa ASAP 2012, ang Sunday show ng ABS-CBN.

Si Sarah Geronimo ang umawit ng “The Lord’s Prayer” at sa communion rites, inawit ni Gary Valenciano ang “Warrior is a Child” habang “Send in the Clown” naman ang kinanta ni Kuh Ledesma.

Matapos ang misang pinangunahan ni Fr. Tito Caluag, inawit ni Vina Morales ang “Through the Years.”

Kinanta naman ni Randy Santiago ang dalawa pang paboritong awitin ni Dolphy, ang “Smile” at “What a Wonderful World” na nagpaiyak sa mga miyembro ng Pamilya Quizon.

Umawit din naman sa misa ang The Company at si Jamie Rivera.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply