Ikinaso nina Claudine, Raymart ipinababasura

IGINIIT ng kampo ng beteranong mamamahayag na si Ramon Tulfo sa Pasay City Prosecutors Office ang pagbasura sa kasong physical injury at child abuse na isinampa laban sa kanya ng mag-asawang Claudine Barreto at Raymart Santiago makaraang maghain ng rejoinder affidavit kanina.

Batay sa kanyang 20-pahinang affidavit na isinumite kay Assistant City Prosecutor Manuel Loteyro, sinabi ni Tulfo na lahat ng mga ebidensiyang ipiniprisinta ng mag-asawa laban sa kanya ay hindi katanggap-tanggap sa korte kaya walang dahilan upang bigyang-pansin ng tagausig.

Tinukoy ni Tulfo sa pamamagitan ng kanyang mga abogadong sina Atty. Vitaliano Aguirre at Jovito Barte ang kawalan ng pagpapatibay sa ipiniprisinta nilang panayam ni Patricia Evangelista ng Rappler kaugnay sa pag-amin niya ng pagtulak at pagsipa kay Claudine at panununtok kina Raymart at sa kasama nitong si Edoardo Atilano.

Ayon kay Tulfo, ang hirit ng mag-asawa na i-subpoena si Evangelista upang pagtibayin ang naturang interview ay walang katuturan dahil hindi ang naturang lady reporter ang nararapat na mag-validate sa interview kundi ang kanyang cameraman.

Nakasaad pa sa affidavit ni Tulfo na ang mga testigo ng mag-asawa na isang Alex Formento at isang alyas “Anna” na nagtuturo sa kanya na nagpasimula ng gulo ay hindi rin katanggap-tanggap sa korte dahil hindi sinumpaan ng mga ito ang kanilang salaysay sa sinumang awtorisadong oisyal sa ilalim ng umiiral na panuntunan ng korte.

Kaugnay naman sa lumabas na video footages sa You Tube na nagpapakita kung papaano siya pinagtulungang gulpihin nina Raymart at Atilano, pati na si Claudine, mismong ang mag-asawa aniya at ang abogado nilang si Atty. Alex Avisado ang nagpatibay rito batay sa kanilang live interview sa dalawang malaking television network.

Wala rin aniyang saysay ang child abuse na isinampa laban sa kanya ng mag-asawa dahil malinaw naman na nakasaad sa ilalim ng batas na dapat ay may nagawa siyang direktang pang-aabuso sa mga anak ng mag-asawa na hindi naman nangyari,

Malinaw aniya na nasaksihan ng mga anak ng mag-asawa ang ginawang pagtataray at pagbabantang ipatatanggal sa trabaho ni Claudine ang ground attendant ng Cebu Pacific at nakita rin ng kanilang mga anak ang ginawa ng mag-asawa nang pagtulungan siyang bugbugin.

“The difficulty in finding such evidence only proves that their claims and allegations against me are mere fabrications,” dagdag pa ni Tulfo.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply