Inutil na 117 at paalam kay Nixon Kua

BAGO mag-alas-5:00 ng hapon kahapon, nagkaroon ng disgrasya malapit sa harapan ng National Press Club.

Nagbanggaan ang isang nakamotorsiklo at isang   pampasaherong jeepney na parang kolorum.

Siyempre pa, natalo ang nakamotorsiklo.

Nabali ang paa ng driver nito at natamaan din sa dibdib nang lumipad ito matapos ang banggaan.

Pababa ng tulay ang nakamotorsiklo galing ng Divisoria at lumusot naman ang jeepney sa lusutan na pang-emergency lang ngunit hindi naman talaga dinaraanan.

INUTIL NMA 117

Tinawagan ng isang kasamahan natin sa media ang emergency number ng Department of Interior ang Local Government at Philippine National Police na 117.

Sa unang tawag, walang contact sa 117.

Inulit ang pag-contact sa number 117 ng dalawang beses pa.

Anak ng tokwa, walang sumasagot.

Sa ikaapat, nakabubuwisit na.

Ang sagot ng 117?

The number you dialed is busy at the moment or out of coverage area.

Sumunod na contact: The number you dialed is cannot be reached.

Anong klaseng emergency number yan?

Hindi maaasahan.

‘Di ba may patong ang pag-call o pag-text sa number na yan?

Kung naniningil ng tongpats ang mga nasa 117, hindi ba modus operandi ng mga ito ang hindi sumagot sa tawag sa cellphone para magkapera sila?

Sana naman mali tayo rito ngunit hindi natin malilimutan na gusto ng mga taga-117 na magmulta ang lahat ng mga tumatawag diyan dahil marami umano ang mga nanloloko sa kanila.

RED CROSS ANG SUMAKLOLO

Sa loob ng 10 minuto, dumating ang ambulansya ng Red Cross galing sa pier.

Kumpleto ang mga ito ng gamit.

Sa loob ng mahigit lamang na apat na minuto, naayos na nila ang biktima at itinakbo na sa isang ospital.

Dinala na rin ng mga pulis ang motorsiklo at inimpound din nila ang jeep na sangkot sa disgrasya.

GUMAAN ANG PAKIRAMDAM

Gumaan ang ating pakiramdam matapos ang pagsaklolo ng mga taga-Red Cross at mga pulis mula sa ilalim ng tulay sa harapan ng Central Post Office sa Liwasan.

Gayundin ang mga traffic investigator na mabilis na rumesponde makaraan silang tawagan sa radyo ng mga pulis sa ilalim ng tulay.

Hindi na natin nakita ang pangalan ng mga pulis at taga-Red Cross pero pinasasalamatan na natin sila sa kanilang pagresponde.

Pero itong 117 na ito, ewan natin kung ano ang nangyayari riyan.

Marami ngang kuwento riyan na hindi ka sasagutin ng matino.

Lalo na kung magsusumbong ka ukol sa mga tarantadong pulis na nanghuhulidap lalo na sa mga may kasong droga at kung malakihan na ang gustong tongpats ng mga parak.

NIXON KUA PAALAM

Binigyan ng karampatang parangal si Nixon Kua ng kanyang mga kaibigan, kakilala at kamag-anak sa huli niyang gabi sa kanyang burol sa Sanctuarium sa Quezon City.

Naiwan ni comrade Nixon ang kanya maybahay na si Susan Kua at mga anak nilang sina Carl, Daryl, Chanel, Jin at Trunky.

Sa parte ng National Press Club, kinilala si Nixon na isang matapat at aktibong  miyembro.

Ang totoo, nakatulong siya ng malaki sa pagpapalabas natin ng live coverage sa lahat ng laban ni Congressman Manny Pacquiao sa NPC building nang libre.

Hindi siya tumalikod sa kanyang mga kasamahan kahit na nakaabot siya sa rurok ng tagumpay bilang mediaman nang maging isang mataas siyang opisyal ng Philippine Tourism Authority bilang general manager noong panahon ni Pangulong Joseph Estrada.

Matagal siyang isang reporter lalo na sa Philippine Star at naging kolumnista siya sa Pilipino Star Ngayon sa huli.

SALAMAT KAY SEN. PING

May isang kuwento sa likod ng pagsuko ng mga salarin sa pagpatay kay Kuya Nixon.

Matitikas umano ang mga suspek sa pagpatay sa kanya.

At sa katunayan, napakahirap umanong hulihin ang mga ito kahit nahaharap sila sa kasong rape na nagkaroon lamang ng warrant of arrest noong July 19, 2012.

Kamag-anak pala ng mga maiimpluwensiyang politiko ang mga kriminal na ito kaya hirap ang mga ordinaryong pulis sa paghuli sa mga ito.

Nang umugong na kumilos na si Senador Ping Lacson para tulungan ang mga kapulisan na hanapin ang mga suspek, yun na.

Sumuko na sa kanilang kapitan na kanilang kamag-anak ang mga suspek.

Pasalamatan na rin natin ang kapitan ng barangay.

SEGURIDAD SA SUBDIBISYON

Mula sa pangyayari, mga Bro, may katangi-tanging suliranin na lumitaw.

Ang pagiging relax sa seguridad ng Ayala subdivision na pinangyarihan ng krimen.

Paano nakapasok para mangholdap at pumatay ang mga animal na suspek sa loob ng sinasabing ligtas na subdibisyon ng mga Ayala?

Pero hindi lang ang kaso ni Kuya Nixon ang problema.

Maging ang ibang mga subdibisyon ay hindi na rin ligtas sa mga kriminal.

Naranasan ito ni Kuya Jay Ruiz ng ABS-CBN na nalimasan ng maraming gamit sa bahay sa isa ring exclusive na subdibisyon.

Ano na ang nangyayari sa mga lugar na ito at pinapasok na ng mga akyat-bahay at mamamatay-tao?

Nakatatakot na yan!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply