K+12 pinahihinto sa DepEd

HINIKAYAT ni Senador Antonio “Sonny” F. Trillanes IV ang pamahalaan na resolbahin muna ang mga pangunahing problema ng edukasyon gaya ng kakulangan ng mga guro at silid-aralan bago isulong ang programang K to 12 ng Department of Education (DepEd).

Ito ay matapos aminin ng mismong mga opisyal ng DepEd sa nakaraang hearing ng Senate Committee on Education na ang karagdagang dalawang taon ay hindi sagot sa pababang kalidad ng sistema ng pangunahing edukasyon sa bansa.

Binigyang-diin ni Trillanes na ang mababang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas ay mareresolba lamang kung mabibigyan ng kaukulang atensyon ng pamahalaan ang mga pangunahing problema gaya ng kakulangan at mababang sahod ng mga guro, at kakulangan ng mga silid-aralan, upuan at libro.

“Kapag nabigyan natin ng maayos na kapaligiran para sa pag-aaral ang mga estudyante, ito ay makikita sa kanilang performance sa paaralan. Kailangan nating solusyonan ang mga problemang ito bago tayo mag-isip ng mas kumplikadong isyu ng pagbabago sa curriculum,” paliwanag ni Trillanes.

Bagama’t nananatiling bukas ang senador sa K to 12, hindi ito lubusang kumbinsido sa programa na sinimulang ipatupad ng DepEd noong isang buwan.

“Hindi ko ito isinasantabi. Pero hindi natin malalaman ang problema kung hindi muna natin sosolusyonan ang mga pangunahing problema dahil tulad nga ng sinabi ko ang 10-taong basic education ay nagamit ng mga nakaraang henerasyon at ang mga pampublikong paaralan dati ay kayang makipagsabayan sa mga pribadong paaralan,” ani Trillanes. “Bukod dito, ang gastos dahil sa dagdag na dalawang taon ay di makatarungan na para sa mga magulang.”

Pinabulaanan rin ni Trillanes ang sinasabi ng DepEd na ang naturang programa ang solusyon sa kawalan ng trabaho sa mga kabataan.

Aniya, ang K to 12 ay hindi lamang karagdagang gastos para sa gobyerno kundi sa mga magulang na kasalukuyang nahihirapan na sa mataas na presyo ng pagkain, kuryente, tubig, petrolyo at iba pa.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply