Kaawa-awang Valenzuela City

DATI-RATI ay ang lungsod ng Malabon at Navotas ang laging binabaha at nagreresulta ng kawalan ng klase sa mga paaralan pero ngayon ay iba na ang sitwasyon dahil ang dating luntian at kaaya-ayang lungsod ng Valenzuela na ngayon ang dumaranas ng grabeng sitwasyong ito.

Palagian nating napapakingkan sa radyo at napanonood sa telebisyon ang kaawa-awang sitwasyon ng Valenzuela at iyan ay dahil sa konting ulan lamang ay bumabaha na rito ngayon, dagdag pa ang high tide na pumapasok galing naman sa Manila bay.

Mabigat ang kalagayan ngayon ng 14 hanggang sa 16 na barangay ng lungsod dahil ang kabuhayan at pamumuhay ng mga tao rito ay talagang apektado lalo’t higit ang mga kawawang paslit na talaga namang ‘di na nakapapasok sa kanilang mga paaralan dahil sa grabeng baha na araw-araw na lamang ay sinusuong ng mga taga-rito.

Doble rin ang gastos ng mga tao sa nasabing lungsod lalo’t higit ang mga kawani at trabahador na namamasukan sa iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan at karatig-bayan dahil kapag bumabaha ay doble ang singil ng pasahe sa jeep at ang masaklap pa nito ay kapag lumaki na ang baha ay magtitiyaga kang mag-pedicab o padyak na medyo mataas ang singil dahil na rin sa hirap pumadyak dulot na rin ng malaking tubig baha.

Maging ang pagluluwas ng kalakal at paninda ay apektado rin dahil sa hirap at doble-dobleng salin ng transportasyon bunga pa rin siyempre ng baha.

Sa hindi po nakaaalam, iilan na lamang ang traysikel na de-motor sa Valenzuela ang pumapasada sa halos kalahati ng barangay sa lungsod at puro padyak na po ang naglipana at iyan ay dahil sa patuloy na baha na pinagtitiisan ng mga tao.

Malaki sana ang iuunland pa ng Valenzuela City kung hindi dahil sa ganitong sitwasyon pero dahil nga sa walang konkretong plano at paputa-putakeng pag-aksyon para maresolba ang baha sa lungsod ay lalong lumala ang sitwasyon sa lungsod ng bayaning si Dr. Pio Valenzuela.

Mayroon ‘ngang CAMANAVA flood control project na kasali lamang ang Valenzuela sa titulo ng proyekto pero di kasama sa sakop ng programa at naririyan din ang Valenzuela Obando Meycauayan (VOM) flood control project na matagal-tagal na rin nating inaantay at tinututukan pero ni plano yata ng proyekto ay di matuloy-tuloy dahil sa hindi malamang kadahilanan.

Lumulubha araw-araw ang sitwasyon sa Valenzuela City o SEAty na yata kaya’t sana’y umaksyon na ang gobyerno nasyonal at lokal para matutukan ang mga proyektong lubhang kailangan ng Valenzuelaño.

###

Panahon na rin para tutukan ng Department of Enviroment ang Natural Resources (DENR) ang issue ng illegal logging at mining sa bansa.

Kapansin-pansin na rin kasi ang grabeng pagbaha sa Visayas at Mindanao na noon ay hindi man lamang inaabot ng pagbaha o anomang delubyo sa kapaligiran. Kalbo na ang mga bundok, ginahasa pa ang kalupaan at karagatan dulot ng walang habas na pagmimina sa
iba’t ibang panig ng Visayas at Mindanao.

Hindi pa naman siguro huli ang lahat at may paraan pa para maibsan ang epekto ng problemang ito kaya’t sana’y kumilos na ang DENR dahil grabe na ang epekto ng paglapastangan sa kalikasan.

###

Para sa mga nangangailangan ng pagkalinga ng pitak na ito, maari kayong mag-email sa barangayanni_isko @yahoo.com o mag-text sa 09336363310.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply