Kalahati ng P19 M premyo sa lotto, napanalunan ng isang Caviteno

NAIUWI na ang kalahati ng mahigit P19 milyong piso ng isang retiradong kawani ng pamahalaan na kanyang tinamaan sa 6/45 Mega lotto na binola noong Hunyo 27 sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Pasay City.

Kinubra ng isang 63-anyos na taga-Cavite  ang halagang P9,987,204.60 na kalahati ng kabuuang premyong P19,974,409.20 matapos makuha ang kombinasyong 36-41-32-08-13-23.

Hindi pa  kinukuha ng isa pang nanalo ang kalahati ng premyo na nakakuha rin ng tamang kombinasyon.

Ayon kay PCSO General Manager Jose Ferdinand Rojas II, dalawang taon ng nag-apply ng early retirement sa gobyerno ang lotto winner subalit hindi pa rin niya nakukuha ang benepisyong nakalaan sa kanyang pagreretiro sanhi ng kawalan umano ng pondo.

Plano ng mapalad na mananaya na bumili ng bahay at lupa at hatiin sa kanyang apat na anak ang bahagi ng napanalunan.

Napag-alaman na mula pa noong 1995 nagsimulang tumaya sa lotto ang dating kawani ng pamahalaan hanggang masapol niya ang tamang kombinasyon sa pamamagitan ng system 7 na katumbas ng P70 na taya.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply