Kamara nakiramay sa pamilya ni Dolphy

PINANGUNAHAN ni House Speaker Feliciano Belmonte ang pakikiramay sa pagpanaw ng Hari ng Komedya na si Rodolfo Vera Quizon Sr. o mas kilala bilang Dolphy.

Ipinahayag ngayon ni Belmonte na nakikiisa siya sa milyong-milyong Pilipino na nagluluksa sa pagkamatay ni Dolphy.

Aniya, hindi matatawaran at walang katumbas ang naging kontribusyon ni Mang Pidol sa sining ng mga Pinoy.

“I join his millions of fans in mourning his passing. In his genre he was tops. I had always enjoyed his shows myself and I’m really sorry he is gone,” ani Belmonte.

Ayon naman kay Parañaque Rep. Roilo Golez, walang sinuman ang makakapalit sa iniwang trono ni Dolphy bilang King of Comedy.

Nagpapasalamat naman si Aurora Rep. Sonny Angara, kay Dolphy na kanya raw iniidolo mula’t sapul.

Bagama’t pumanaw na si Dolphy, naniniwala si Angara na mananatili siyang buhay sa puso ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng kanyang obra sa sine at telebisyon.

Kasabay nito ay isinulong pa rin ni Valenzuela Rep. Magtanggol Gunigundo na igawad na kay Dolphy ang nararapat na parangal dito kahit ito pa ay pumanaw na.

Giit ni Gunigundo na kahit wala na ang Comedy King, dapat pa ring maigawad kahit sa posthumous o nakamtan lamang ang parangal matapos ang pagkamatay dahil na rin sa bigat ng impluwensya at pagiging haligi ng sining ng komedya.

Nakiramay din si AKO BIKOL Partylist Rep. Rodel Batocabe na nagsabing “kami po ay nalulungkot sa pagpanaw ng isang higanteng institusyon ng sining na nagpasaya ng milyong-milyon, dahil sa kanyang kakaibang talent na mahirap pantayan.”

Ayon kay Batocabe, hindi man nahirang si Dolphy bilang isang national artist ay walang kaduda-dudang matatawag na people’s artist sa puso ng bawat Pilipino at kanyang mga obra sa pag-arte ay bahagi na ng kasaysayan ng ating bansa. “Nakikiramay po tayo sa kanyang pamilya.”

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply