Kaso ni Gloria at ang Maguindanao massacre

MEDYO kinabahan tayo nang kaunti sa paglaya ni dating Pangulong Gloria mula sa kulungan kaugnay ng sabwatan para sa electoral sabotage na naisampa sa kanya.

Lumaya si PGMA sa utos ni Pasay City Regional Trial Court Judge Jesus Mupas.

Ang sabi, mahina ang ebidensya laban kay PGMA kaya may karapatan itong magpiyansa kahit na non-bailable ang kasong poll sabotage na isinampa laban sa kanya.

Nilalaman naman kasi ng 1987 Constitution na kung mahina ang ebidensya sa karumaldumal na krimen na isinampa laban sa isang tao, may karapatan siyang magpiyansa at lumaya pansamantala mula sa kulungan.

MAGUINDANAO MASSACRE

Kahalintulad ng kaso ni PGMA ang kasong Maguindanao massacre.

Yun bang === parehong non-bailable o hindi napipiyansahan.

Ngayon nga ay nakapagpiyansa at nakalaya na si PGMA.

Naganap man ito sa kaso ni PGMA, ayaw nating maulit ito sa Maguindanao massacre.

Pero hindi natin alam kung ano-ano ang mga nasa utak ng huwes na may hawak sa kaso sa Maguindanao massacre.

Lalo’t unti-unting nauubos o pinapatay ang mga saksi.

Yung iba yata ay basta hindi na makita at nanahimik na lamang.

Dito tayo kinakabahan, mga Bro.

IISANG SAKSI LABAN KAY PGMA

Naging mahina ang kaso laban kay PGMA dahil iisa lang umano ang naging saksi sa pagkakasangkot nito sa dayaan sa halalan noong 2007 sa Maguindanao.

Magkasabwat umano sina PGMA at ni dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. sa pandaraya sa nasabing halalan.

Ito yung halalan na gusto umano ni PGMA at ilan niyang mga tauhan na zero vote ang mga kalabang senador ng kanyang mga kandidatong senador sa halalan noon.

Isa sa mga biktima rito si Sen. Koko Pimentel na naging kalaban ni ex-Senador Migz Zubiri.

Hindi naman umamin si Zubiri rito kahit pa nag-resign siya sa kalaunan.

MASAYA NA SI ALING GLORIA

Kahit sinong bilanggo ang tatanungin mo, walang kasing tamis ang kalayaan.

At ito ang nararamdaman ni Aling Gloria.

Guilty man o hindi ang lumayang tao mula sa kulungan, walang sukat na kaligayahan ang kanyang mararamdaman.

Siyempre, gusto nating lumaya ang dapat na lumaya.

Pero hindi kailanman tayo sumasang-ayon na lumaya ang mga taong naging berdugo sa kanyang kapwa.

Sa kaso ni Aling Gloria, ano pa nga ba ang ating masasabi kundi magbigay ng respeto sa desisyon ni Jugde Mupas?

KASO VS MGA AMPATUAN

Pero sa kaso ng mag-ama na Andal Ampatuan Sr. at Andal Ampatuan Jr., at posibleng kasama si Zaldy Ampatuan, na sangkot sa Maguindanao massacre, hindi natin maisip kung paano tayo magiging maluwag rito.

Sobrang bigat ang ginawa ng mga ito na krimen.

Pinagpapatay nila ang nasa 57 katao, kabilang na ang 33 mediamen, saka inilibing ang mga ito sa pamamagitan ng backhoe para mapagtakpan ang kanilang mga krimen.

PATAY KANG BATA KA

Malayo ang pagkakaiba ng kasong electoral sabotage ni Aling Gloria sa electoral sabotage ng mga Ampatuan.

Yun kina Aling Gloria, nakipagsabwatan umano ito kina Ampatuan at ilang opisyal ng Comelec para madaya ang halalan sa Maguindanao.

Yung sa mga Ampatuan, pinagpapatay ang mga kalaban nila upang wala nang kalaban.

Malas lang sila dahil hindi kasama si Esmael ‘Toto’ Mangudadatu sa kanilang mga minasaker.

Grabe at walang katumbas na pananabotahe yan sa halalan na dinaan sa isang madugong sabwatan.

COMELEC NAGING MAHINA

Ang sabi ng iba, nagsipsip lang umano ang mga Comelec official sa pagsasampa ng kaso laban kina Aling Gloria.

Kung hindi naman, eh, sumali lang ang mga ito sa larangan na hindi sila handa.

Yun bang === labanan ng mga tunay na politiko hanggang sa maparalisa ang isa’t isa.

O nagpagamit lang kaya sila sa mga may hawak ng renda ng pamahalaan.

At ang importante ay mapigil lang si Aling Gloria na lumabas ng bansa para takasan umano ang kanyang mga sari-saring krimen sa mahal kong Pinas.

Kaya naman, sa huli, lumabas ang totoo.

Ang kawalan umano ng matibay na ebidensya laban kina Aling Gloria.

Ewan natin ngayon kung saan hahantong ang kasong pulitikal na ito.

Malas na lang ang nasaktan sa kaso kung makalalaya si Aling Gloria.

MGA PISKAL PALAKASIN

Sa kaso ng Maguindanao massacre, sana naman, eh, magiging matibay ang lahat ng mga pinanghahawakang ebidensya ng mga tagausig.

Ang pamahalaan ang inaasahan dito.

Dapat na gumawa ang pamahalaan ng paraan na magiging matapat ang mga piskal sa pagsusulong ng katarungan.

Pero ang isa sa dapat nitong gawin ay pangalagaan ang buhay ng mga saksi na unti-unti inuubos ng mga bala at chainsaw.

Lumalabas kasing may mga binaril sa mga pinatay nang testigo at mayroon namang pinatay sa pamamagitan ng chainsaw.

Bunga nito, umiiral ang matinding takot sa hanay ng mga saksi.

PNoy, inaasahan ka na maging haligi ng katarungan sa Maguindanao massacre.

oOo

Anomang reklamo o puna ay iparating sa 09214303333

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply