Lagnat ‘wag ipagwalang bahala – DOH

HINDI dapat ipagwalang-bahala ng mga magulang ang lagnat ng kanilang mga anak dahil posibleng senyales ito ng enterovirus-71 (EV-71) infection.

Ito ang paalala ng Department of Health (DOH) sa mga magulang kasunod nang pagkumpirma na may dalawang paslit na sa Pilipinas ang tinamaan ng EV-71.

Ayon kay Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), kung nilalagnat ang isang bata ay dapat na i-monitor ang kalagayan nito at mas makabubuting dalhin kaagad ito sa pagamutan o health center sa barangay kahit wala pang nakikitang sintomas ng impeksiyon, upang maagapan.

Ani, Tayag dapat tiyaking nabibigyan ng gamot ang pasyente at huwag hayaang tumaas ang lagnat nito.

Bukod naman sa lagnat, ilan pa sa mga sintomas ng EV-71 virus ay ang hirap sa paglulon, kumbulsyon, pananakit ng ulo at pananamlay.

“Kung may batang nilalagnat, dalhin sa ospital para ma-monitor natin. Ang iba, dinadala sa hospital na hindi makalulon (kaya) na-dehydrate. Dalhin pa rin sa ospital kahit walang nakitang symptoms like convulsion, sakit ng ulo, pananamlay,” ayon kay Tayag.

Sinabi pa ng health official na sa ngayon ay wala pang bakuna para sa Enterovirus 71 kaya’t mas mainam na maging maingat upang hindi dapuan nito.

Pinayuhan rin ni Tayag ang publiko na ugaliing maghugas ng kamay partikular na kung nagpalit ng diaper ng mga bata.

“Ang dumi, kung nagpalit ng diaper at hindi nahugas ng kamay, ang nagpalit ng diaper, pwede niya maihawa sa ibang bata,” ani Tayag.

Ang mga batang galling sa mga day-care centers ay dapat ding maghugas at mag-disinfect partikular na pagkatapos na maglaro.

“At pag may batang umuubo, kailangan takpan ang bibig para di makahawa,” aniya pa.

Una nang kinumpirma ng DOH na dalawang paslit ang nag-positibo sa enterovirus sa Pilipinas ngunit tinitingnan pa umano kung ang dumapong strain nito sa mga ito ay nakamamatay.

Matatandaan na sa Cambodia ay may 56 na paslit na ang namatay matapos tamaan ng deadly strain ng EV-71.

Nabatid na ang enterovirus 71 (EV-71) ay karaniwang fatal strain ng hand, foot, and mouth disease, o HFMD, ngunit ang strain nito na tumatama sa Pilipinas ay hindi nakamamatay.

Tiniyak naman ni Tayag na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa Cambodian health officials at sa World Health Organization (WHO) hinggil sa iba pang development ng sakit.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply