Libreng purga sa mga kabataan sa Marikina

KASABAY ng malawakang deworming activities sa mga kabataan ngayong Hulyo, ang lokal na pamahalaan ng Marikina sa pamamagitan ng City Health Office (CHO) ay muling nagpaalala sa mga magulang na dalhin sa health center ang kanilang mga anak upang purgahin.

Layunin ng deworming activity o pagpupurga na matanggal ang mga parasitiko tulad ng bulateng nasa katawan ng tao tulad ng tapeworm, thread worm, at round worm na kumukunsumo ng sustansyang nasa sa katawan ng tao.

Upang maagapan ang pinsalang maidudulot ng mga parasitiko sa katawan ng mga bata, ipinalaala ng CHO na maging mapagmatyag ang mga magulang sa mga pisikal na pagbabago sa katawan ng kanilang mga anak. Ilan sa mga palatandaan na ang isang batang mayroong bulate ay pamamayat, paglaki ang tiyan, at pamumutla o kakulangan sa dugo

Ang pamurga ay libreng ipinagkakaloob sa lahat health center na matatagpuan sa 16 barangay  ng lungsod. Ayon sa Nutrition Center ng Marikina, maaaring magpapurga ang mga batang hindi bababa sa dalawang taong gulang.

Ayon sa talaan ng Nutrition Section ng CHO, mayroong 49,177 mga batang nasa edad isa hanggang limang taong gulang ang nabigyan na ng pamurga noong Enero-Abril 2012. Nasa 84.7% na ito ng kabuuang target na 58,037 para sa taong ito.

“Mahalaga na mapurga o matanggal ang mga bulate sa katawan ng ating mga kabataan. Ang mga batang may bulate ay tiyak na lapitin ng mga sakit, dahil sa kakulangan ng sustansya.  Tiyak na makakaapekto ito sa kanilang kalusugan, maging sa pag-aaral at pang araw-araw na pagkilos. Kaya naman kung nagpapakita ng sintomas ang kanilang mga anak, magandang magpakonsulta agad sa doktor o pinakamalapit na health center upang maagapan ito,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Ipinapayo rin ng CHO sa mga magulang na panatilihin ang malinis na kapaligiran.

Siguraduhing nahugasan nang maigi ang mga pagkain bago ihain o lutuin. Huwag kaligtaang ituro ang tamang paghuhugas ng kamay bago kumain, pagsisipilyo ng ngipin, at paglilinis ng katawan tulad ng paliligo araw araw.

Huwag ding hayaang nakayapak ang mga bata at siguraduhing naghugas ng kamay ang mga ito matapos gumamit ng kasilyas.

Para sa mga may katanungan, maaaring makipag-ugnayan sa Nutrition Section ng CHO sa numero bilang (02) 997-4130.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply