Lolo hinataw ng rugby boys, tigok

PATAY ang isang matandang scavenger nang pagtulungang gulpihin at paghahatawin ng kahoy ng dalawang miyembro ng rugby boys kahapon ng hatinggabi sa Pasay City.

Patay na nang idating sa Pasay City General Hospital ang hindi pa nakikilalang biktima na tinatayang nasa pagitan ng 60 hanggang 65-taong gulang, may taas na 5’6, may kapayatan ang pangangatawan at walang suot na tsinelas sanhi ng grabeng pinsalang tinamo sa ulo at buong katawan.

Nadakip naman ng mga barangay tanod ang mga suspect na nakilalang sina Erwin Orio, 21, tubong Samar at Martin dela Torre, 18, kapwa walang tiyak na tirahan makaraang makita sa close circuit television (CCTV) camera ang mga ito na nagtatatakbo na tila may tinatakasan.

Napagalaman sa report ni PO3 Giovanni Arcinue ng Investigation Section ng Pasay Police na lango sa rugby ang dalawa nang tangkaing agawin ang mga dalang kalakal ng biktima sa harapan ng Lacson College sa Taft Avenue dakong alas-12 ng hatinggabi.

Pumalag umano ang matanda kaya’t pinagtulungan siyang gulpihin ng dalawa na nasaksihan ng testigong si Edna Mateo, 52, na nangangalakal din sa naturang lugar.

Nang matiyak ng dalawa na napatay nila ang matanda, mabilis na nagtatakbong palayo ang mga ito subalit nahagip sila ng CCTV camera ng barangay at sa hinalang may ginawang pagnanakaw ay kaagad na dinakip.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply