LTFRB wala nang pangil, wala pang ngipin

MATAPOS ang nangyaring paglipad at pagbangga ng isa sa 70 bus ng Don Mariano Transit sa fly-over sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue, sa Quezon City, mabilis ang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na isuspinde ang 21 nitong mga sasakyan.

Tama ang ginawang pagsus-pinde ng LTFRB sa prangkisa ng nasabing bus company subalit ang tanong ay bakit 21 lang sa 70 mga sasakyan nito ang pinigil sa pagbiyahe?
May maganda bang paliwanag ang LTFRB rito?

Ayon sa ulat, iniimbestigahan ng LTFRB ang katotohanan sa pagbangga ng sasakyan sa fly-over sa Edsa-Ortigas kung saan walong pasahero ang nasugatan.
Lasing ba ang driver? Nagte-text o tumatawag sa kanyang cellphone? Napakarami na ng reklamo laban sa Don Mariano Transit na ang garahe ay nasa kahabaan ng Quirino Highway sa Novaliches, Quezon City. Ilang residente at motorista ang nagrereklamo na dahil sa walang pakundangang   pagparada o pagbalagbag ng mga sasakyang pag-aari ng nasabing kompanya ng bus na nakaiistorbo sa daloy ng trapiko. Hindi na dapat ito iasa na lang sa mga pulis na nakasasakop sa garahe ng nasabing kompanya dahil hindi na naman ito sakop ng responsibilidad at tungkulin ng mga pulis.

Ang dapat, tingnan ng LTFRB ang laki ng garahe ng isang bus company bago sila magbigay ng pangkisa na sakop ay kung ilang unit ng sasakyan upang hindi na gamitin ng mga ito ang mismong highway bilang paradahan ng sasakyan lalo na sa gabi. Bukod sa abala sa kalye, malaki ang posibilidad na maging sanhi ito ng disgrasya kapag hindi nakita ng tsuper na dumaraan sa kalyeng pinaparadahan.

Batid ba ng LTFRB kung sumusunod ang Don Mariano Transit sa suspensiyon na ipinataw sa kanila? Mukhang hindi naman dahil pawang napakarami pa rin ng mga bumibiyahe sa lansangan na kung humataw akala mo ay sila ang “hari ng kalye.”

Hindi lang Land Transportation Office ang dapat na magsuri ng gumagamit ng droga na mga tsuper ng mga bumibiyaheng sasakyan subalit maging ang LTFRB rin. Higit na mas kailangan ang kanilang paghihigpit dahil ang mga pampasaherong sasakyan ay maraming buhay ang dala.

Dapat  ipakita  ng  LTFRB na bukod sa may ngipin ito, mahaba na rin ang pangil nito na puwedeng gamitin bilang pandisiplina sa mga tsuper at may-ari ng mga kompanya ng bus at iba pang sasakyang pambiyahe.
Kailangang mismong LTFRB ang mag-monitor ng mga sasakyang bumibiyahe ng ligtas sa mga lansangan.

Hindi kailangang magturuan ang mga ahensiya ng gobyerno na nakasa-sakop sa mga sasakyang pambiyahe at may sakay na mga pasahero.

Huwag nang hintayin na may isang opisyal ng pamahalaan ang maging biktima ng mga pampasaherong sasakyan bago pa kumilos ang mga kinauukulan.

*  *  *  *   *   *   *   *

Dapat imbestigahan ng Quezon City Police District kung bakit nagmamadali ang isang mobile unit (QC-188) na may sakay na apat na pulis habang binabagtas ang kahabaan ng Quirino Highway mula Barangay San Bartolome hanggang Barangay  Sauyo.

Hindi kuwestiyon ang pagmamadali subalit ang malaking palaisipan ay kung bakit kailangang gumamit pa ito ng wangwang at blinker gayung pagdating sa Mindanao Avenue malapit sa Congressional Avenue ay parang namamasyal na lang ito.

*  *  *  *   *   *   *   *

Belated happy birthday to Chief Insp. Rodel Marcelo, chief of Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) of QCPD, who celebrated his golden day last July 18. As well happy birthday to SPO2 Boyet Botones, also of CIDU-warrant and subpoena section, who celebrated yesterday. Happy birthday na lang kahit di kayo nang-imbita.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply