Lutasin na ang problema sa airline industry

SINIMULAN na noong Lunes ang kauna-unahang public hearing na may kaugnayan sa mga karapatan ng mga pasahero ng eroplano o iyong tinatawag na air passengers bill of rights.

Dumalo sa nasabing pagpupulong ang iba’t ibang stakeholders kabilang na sina Transportation Secretary Mar Roxas, Tourism Secretary Ramon Jimenez, mga opisyal ng iba’t ibang airline company at airport official.

Layunin ng hearing na matugunan ang lahat ng mga isyu na nakaaapekto sa local aviation industry lalo’t higit ang mga problema na may kaugnayan sa promo fares o iyong budget travel.

Lumitaw sa pagdinig na ang promo fares ang isa sa mga dahilan kung bakit biglang nag-boom o pumutok ang lokal na industriya ng aviation.

At siyempre pag patok ang aviation industry ay patok din ang turismo na magbibigay naman ng karagdagang trabaho at income sa gobyerno.

Pero kaakibat naman ng pag-unlad ng industriya ay naglitawan ang iba’t ibang problema gaya ng overbooking, flight delays at marami pang iba.

At sa gitna ng iba’t ibang problema ay napag-alaman din na sa huli ay laging kawawa ang mga budget passenger.

Lalo pang na-highlight ang problema ng mag-away mismo sa loob ng airport ang grupo ng aktres na si Claudine Barreto at asawa niyang si Raymart Santiago at ang reporter na si Mon Tulfo.

Nagalit si Claudine sa mga empleyado ng airline ng ma-offload ang mga bagahe nila bunga ng overbooking at sa gitna ng pagmumura niya ay tinangkang kunan ni Tulfo sa pamamagitan ng camera niya ang pangyayari.

Nagsimula ang rambol nang tangkaing agawin ni Raymart at mga kasama nila ang camera mula kay Tulfo.

Wika nga, the rest is history.

Pero sa pangyayaring iyon ay lumabas na hindi dapat nangyari ang kaguluhan kung hindi dahil sa problema ng overloading na dala naman ng overbooking.

Kaya mabuti naman at kumilos na rin ang mga kinauukulan para tuwirang matuldukan at maisaayos ang mga problemang kaakibat ng walang patumanggang promo fares ng mga airline firm.

Sa kasalukuyang set-up kasi ay laging kawawa ang mga pasahero kaya dapat magawan ng paraan ng mga opisyal natin ang pagbibigay-proteksyon sa mga airline passenger.

Pero kaakibat siyempre noon ang pagbibigay rin naman ng pabor kung paano hindi rin naman malulugi ang mga kompanya.

Sa madaling salita ay kailangang magkaroon ng balanse ang sitwasyon at kung hindi man maging balanse ay dapat pabor pa rin ito sa mga ordinaryong pasahero ng eroplano.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply