Mag-ina minartilyo ng mister bago nag-suicide

NAGBARIL sa sarili ang 38-anyos na mister matapos paluin ng martilyo ang kanyang mag-inang natutulog sa loob ng kanilang bahay sa Tondo, Maynila, nadiskubre kaninang umaga.

Kinilala ang mga biktima na sina Cecil, 30 at anak na si Christian Mark, 8 taong gulang at ang nagbaril sa sarili na si Nelson Cruz, alahero; ng 1719 sa panulukan ng Almeda at San Nicolas St., sakop ng Brgy. 251 Zone 23, Maynila.

Sa ulat na isinumite ni Det. Dennis Paul Javier, kay P/Sr.Insp. Joselito de Ocampo, hepe ng MPD-Crime Against Persons Investigation Section, nadiskubreng patay na ang mag-anak bandang 11:30 ng umaga kanina.

Bago natuklasang patay ang mga biktima bandang alas-6:30 ng umaga ay tinangka pang gisingin ni Lola Flora, lola ng bata ang kanyang apo para maghanda sa pagpasok sa eskwela.

Kinatok umano ni Lola Flora ang pinto, subalit wala ni isa ang nagbubukas kaya inisip na lamang ni Lola Flora na maaaring napuyat ang mga ito.

Dakong 11:30 ng umaga, naisipang muli ng matanda na katukin ang pinto ng mag-anak, pero bigong muli si Lola Flora na pagbuksan, kaya naisipan niyang lumabas para tawagin ang kaibigan ng kanyang manugang at gumamit ng duplicate key.

Nang mabuksan ang pinto ay tumambad ang mga biktima na wala nang buhay.

Ayon sa pulisya, maaaring mahimbing na natutulog ang mag-ina nang paluin sa ulo ng mister at pagkatapos ay saka nagbaril sa sentido.

Narekober ng awtoridad ang duguang martilyo at isang kalibre 9 mm na baril na ginamit ng mister sa pagpapatiwakal.

Malaki ang hinala ng mga awtoridad na utang ang dahilan ng pagpapakamatay ni Cruz na isang alahero sa Aranque Market sa Claro M. Recto Avenue sa Sta. Cruz.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at inaalam kung may iba pang sangkot sa pagkamatay ng pamilya Cruz.

Hinihintay din ang resulta ng awtopsiya sa bangkay ng mga biktima.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply