Magkasintahan nilimas ng 5 holdaper

NILIMAS ng limang armadong mga holdaper kabilang ang dalawang babae at driver ng FX taxi ang pera, personal na gamit at laman ng automated teller machine (ATM) ng magkasintahang naging pasahero ng naturang sasakyan kung saan tumagal ng mahigit isang oras ang ginawang pag-kakabihag sa mga ito noong Sabado ng madaling araw sa Pasay City.

Pinababa lamang ng sasakyan ng mga suspek ang mga biktimang sina Jepcy Faith Hijada, 25, at kasintahang si Gerald Tejada, kapuwa residente ng Belasario Compound, San Isidro, Paranaque City sa madilim na lugar sa B.F Homes, Las Pinas City matapos ma-withdraw ang P12,000 sa ATM ng dalaga, bukod sa kinulimbat pang personal na gamit, alahas at cellphone sa mga biktima.

Ayon kay Chief Insp. Joey Goforth, hepe ng Investigation Section ng Pasay Police, naantala ang paghahain ng reklamo ng dalawa matapos una silang mag-tungo sa Paranaque at Las Pinas police kung saan sila dinala ng mga suspek makaraang mag-anunsiyo ng holdap sa Roxas Boulevard malapit sa Buendia pasado alas-12 ng hatinggabi.

Sumakay ang dalawa sa FX taxi sa Baclaran church patungo sana ng Plaza Lawton nang mag-anunsiyo ng holdap ang dalawang lalaking armado ng baril na inakala nilang pasahero habang patalim naman ang hawak ng dalawang babae.

Ibinalik umano ng driver ang sasakyan patungo sa Paranaque city habang sinasamsam ng mga suspek ang lahat ng personal na gamit, alahas at cellphone ng magkasintahan. Nang makita ng suspek ang ATM card ni Hijada, pilit nitong inaalam ang pin number at sinampal pa ang dalaga nang hindi kaagad ibinigay ang numero.

Inatasan pa ng mga suspek ang dalawa na ipikit ang mga mata habang bumibiyahe patungong Paranaque kung saan doon na-withdraw ang P12,000 cash bago sila pinawalan.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply