Magsasaka isasabak sa paralegal – DAR

HINDI malayong maging paralegals at legal aides ang mga magsasaka, ayon ito sa Department of Agrarian Reform (DAR) matapos na matulungan ang may 37 magbubukid sa Bukidnon na makumpleto ang kanilang pagsasanay kaugnay ng trabahong nabanggit.

Ayon sa pahayag ng ahensiya, magiging pangunahing tungkulin ng mga paralegal na magsasaka na tulungan ang mga kawani ng DAR sa naturang probinsiya na mapabilis ang pagkuha at pamamahagi ng lupa o land acquisition and distribution (LAD) lalo na sa mga kaso ng lupaing nakakaranas ng matitinding suliranin.

Sinabi ni Agrarian Reform Secretary Virgilio delos Reyes, na ang mga bagong farmer-paralegals ay kabilang sa mga unang nagtapos sa DAR Paralegal Formation Program na isinasagawa sa anim na pilot provinces na kinabibilangan ng: Bukidnon, Camarines Sur, Quezon, Leyte, Negros Occidental, at North Cotabato.

Inisyatiba ng mga undersecretaries for field operations and legal affairs, at paralegal formation program ang naturang programa na ipinatutupad naman ng Bureau of Agrarian Reform Information and Education (BARIE) sa pakikipagtulungan ng mga pangrehiyon, panglalawigan at pangmunisipalidad na mga tanggapan ng DAR.

Kabilang din sa mga katuwang sa pagpapatupad sa programa ang Paralegal Education Skills Advancement and Networking Technology (PESANTech), isang consortium ng tatlong alternatibong law groups na tumututok sa paralegal systems development para sa mahihirap na sektor sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Nais ng programa na makapagsanay ng mga farmer-paralegals sa mga komunidad lalo na sa 20 probinsiya na may pinakamalawak pang lupain na hindi naipapamahagi sa magsasaka.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply