Major revamp sa BIR, ipinatupad

MATAPOS ihayag ni Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Henares ang kawalan nito ng interes sa  kanyang nominasyon sa Judicial Bar Council sa bakanteng posisyon ng chief justice sa Korte Suprema, agad itong nagsagawa ng major revamp upang anya’y ipagpatuloy ang nasimulan niyang reporma sa BIR.

Layunin diumano ng pagbalasa  na walisin ang umano’y natitirang corrupt, misfits at undedsirable revenue officials and men sa nasabing tanggapan at  malikom ang itinuturing na pinakamataas na tax collection goal na umaabot sa P1.006 trillion bago matapos ang buwan ng Disyembre nitong taong 2012.

Tumanggap ng ‘instant promotion’ ang mismong chief of staff ni Commissioner Henares na si Attorney IV Jetro Sabariaga na ginawang Assistant Regional Director sa Quezon City sa bisa ng Revenue Travel Assisgnment Order No. 15-2012. Kuwestiyonable ang promosyon ni Sabariaga dahil hindi man lamang ito naging assistant revenue district officer o revenue district officer bago tumalon sa pagiging QC assistant regional director.

Isa pang umano’y malapit kay Commissioner Henares, si Lawyer Larry Barcelo, ang nabiyayaan sa isinagawang reshuffle nang i-promote din ito bilang bagong chief of staff mula sa dati nitong assignment sa Office of the Deputy Commissioner for Legal and Inspection Group.

Bagama’t isang promosyon, itinapon naman ang chief ng assessment division ng Makati City BIR regional office na si Miriam Aguila sa malayong lugar na malayo din sa kanyang pamilya bilang bagong assistant regional director sa Cotabato City.

Naging kontrobersiyal naman ang sitwasyon ni Binondo, Manila Revenue District Officer Lorna Tobias na unang ninombrahan ni Commissioner Henares bilang bagong assistant regional director sa BIR manila region, nguni’t matapos ang umano’y tatlong oras ay binago ang order at sa halip ay itinapon din ito sa malayong lugar at sa kanyang pamilya bilang assistant regional director sa Legaspi City. Isa rin umanong malapit kay Commissioner Henares sa katauhan ni Elisa Pellejera ang itinalaga naman sa BIR Manila bilang bagong assistant regional director.

Tinanggihan ni Tobias ang utos ng BIR chief at sa halip ay hiniling nito sa kanyang sulat na panatiliin siya bilang RDO sa Binondo (for humanitarian reson), subali’t tinanggihan din siya ni Commissioner Henares at binigyan ito nang hanggang July, 23 ng taong ito para mag-report sa Legaspi City.

Una nang naglundagan sa tuwa ang karamihan sa mga key officials ng BIR nang ihayag ng Malacanang na si Henares ay kabilang sa listahan ng mga nominado sa JBC bilang posibleng kahalili ng pinatalsik na Chief Justice Renato Corona.

Nang makarating sa kaalaman ng lady commissioner na maraming may gustong mawala siya sa BIR, nagdalawang isip ito at sa huli ay nagpasiya umanong manatili na lamang sa BIR upang ipagpatuloy ang nasimulan nitong reporma sa nasabing tanggapan na siya naman umanong labis na naka-dismaya sa mga taong gustong maalis sa puwesto si Henares.

Bago pa mapabilang si Henares sa listahan ng ipapalit kay Corona, napaulat na isang Imelda Fernandez ang nakatakdang ipalit ni Pangulong Noynoy Aquino sa BIR bilang bagong BIR chief. Nasundan ito ng mga ‘alingasngas’ na diumano’y  alinman kina BIR Deputy Commissioners Estela Sales at Nelson Aspe ang planong ipalit kay Henares.

Bago iatras ng BIR lady commissioner ang kanyang nominasyon sa JBC, napaulat din na pinagpipilian kina dating Revenue Commissioners Guillermo Parayno at Joel Tantorres ang ipo-pwesto sa mababakante sanang posisyon sa BIR. Ang mga kuwentong ito ay nagsilbi lamang ‘haka-haka’ matapos ipasiya ni Henares na manatili na lamang sa BIR.

Inaasahang gagalawin na rin ni Henares ang kasalukuyang mahahalagang posisyon sa BIR sa layunin nitong higit na mapataas ang tax collections ng Rentas Internas. Apektado dito ang  hanay ng kanyang mga deputy commissioners, assistant commissioners, division chiefs, revenue district officers at mga regional directors sa buong kapuluan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply