Martirizar state witness na vs Abalos

PINABORAN ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) ang petisyon ng Department of Justice (DOJ) na gawing state witness si dating North Cotabato election supervisor Atty. Yogie Martirizar sa kasong electoral sabotage na isinampa laban kay dating Comelec chairman Benjamin Abalos.

Batay sa apat-na-pahinang desisyon ni Pasay RTC Judge Jesus Mupas ng Branch 112, mas kinatigan ang mga inihaing ebidensiya ng taga-usig na humihiling na alisin bilang akusado si Martirizar upang magamit bilang testigo ng pamahalaan.

Sa desisyon ni Mupas, bagama’t kinukuwestiyon ng depensa ang kapangyarihan ng DOJ sa paghahain ng mosyon upang gawing testigo ng pamahalaan si Martirizar, malinaw sa inilabas na Comelec En Banc resolution na bumuo sa joint panel ng DOJ-Comelec na kapwa may kapangyarihan ang dalawang ahensiya na magsagawa ng imbestigasyon sa umano’y nangyaring dayaan noong 2004 at 2007 elections.

Nilinaw naman ni Felda Domingo, tagapagsalita ng Branch 112 na walang kinalaman ang naturang kautusan sa hirit ng kampo ni Abalos na makapaglagak ng piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Sinabi ni Domingo na wala pang resolusyon hinggil dito ang korte at masusi pang pinag-aaralan ang mga ebidensiyang iprinisinta ng kampo ni Abalos bago maglabas ng desisyon kaugnay sa naturang petisyon.

Nauna ng iginiit ng kampo ni Abalos na hindi dapat gawing testigo ng pamahalaan si Martirizar dahil lahat ng ebidensiya sa umano’y nangyariing dayaan ay tumutukoy sa kanya kaya’t siya ang pinaka-guilty sa kaso.

Sa kabila rin ng pagtutol ng depensa, pinayagan ni Abalos na humarap bilang testigo si Martirizar kung saan ibinunyag niya na si Abalos ang nag-utos sa kanya na palitan ang resulta ng eleksiyon sa North Cotabato upang matiyak na mananalo ang Team Unity ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply