M’cañang: Nat’l day of mourning sa pagpanaw ni Dolphy pag-uusapan

IDADAAN sa masusing pag-uusap ng mga opisyal ng Malakanyang kung kailangan nilang magdeklara ng national day of mourning sa pagkamatay ng Comedy King na si Rodolfo “Dolphy” Vera Quizon, Sr.

Sinabi ni Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte na nagdedeklara lamang ang pamahalaan ng national day of mourning kapag may national impact ang isang pangyayari gaya ng pagkamatay ng Comedy King.

Ani Valte, hindi kailangan na opisyal ng pamahalaan ang isang namatay para ikonsidera ng gobyerno ang pagdedeklara ng national day of mourning bunsod ng pagkamatay nito.

Gayunman, suportado naman ng Malakanyang ang naging hakbang ni Manila Mayor Alfredo Lim na ilagay sa half mast ang lahat ng mga bandila ng Pilipinas sa mga pampublikong tanggapan o government offices.

Sa ulat, sinabi ng alkalde na maging ang city hall ng Maynila ay ilalagay din sa half mast ang watawat ng Pilipinas kasama na ang mga public schools.

Sa pagbisita ni Mayor Lim sa Heritage Park sa Taguig City, kanyang sinariwa ang mga hindi niya makalilimutang alaala tuwing nagkikita sila ng kanyang Pareng Dolphy.

Kuwento ng mayor, isa rito ay kung kakain umano sila ay inaako na ng Comedy King ang pagbabayad dahil mas malaki raw ang kanyang kita kaysa sa alkalde ng Maynila.

Nito lamang nakaraang buwan ng Hunyo ay ginawaran si Dolphy ng parangal na “Gawad Diwa ng Lahi” ng lungsod ng Maynila.

Samantala, nakiisa naman si Pangulong Aquino at ang kanyang pamilya, sampu ng kanyang mga kasamahan sa gobyerno, sa pagluluksa ng Pamilya Quizon.

Ang pagpanaw aniya ni Rodolfo Quizon Sr. – ang nag-iisang Hari ng Komedya – ay tiyak na nagdudulot ng lumbay sa isang bansang matagal niyang pinasaya.

“Mabuting tao si Dolphy, at kinatawan niya ang karaniwang Pilipino: malalim magmahal, masayahin, may respeto sa kapwa, at handang harapin ang mga hamon ng tadhana. Nagmula siya sa isang henerasyong dumaan sa maraming pagsubok—at sa pakikipagsapalaran ay natutong maging mapagpakumbaba, matapat, at matulungin.”

Sinabi ng Pangulo na hindi kailanman tinalikuran ni Dolphy ang kanyang mga kaibigan at ang sambayanang naging dahilan ng mga tagumpay nito.

“Sa loob ng mahabang panahon, ipinakita sa atin ni Dolphy na anumang pagsubok ay may katuwang na pag-asa at ligaya; mulat siyang anumang problema ay mapangingibabawan ng positibong pagtanaw sa kapalaran. Binago niya hindi lamang ang kaniyang industriya, kundi maging ang pambansang kamalayan: sa pamamagitan ng kaniyang sining, pinalawak ni Dolphy ang ating pananaw, at binigyan tayo ng kakayahang suriin, pahalagahan, at hanapan ng ngiti ang mga pang-araw-araw na pangyayari sa buhay ng bawat Pilipino.”

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply