Mga dam bantayan at baha labanan

SA isang gabi at isang maghapong ulan lamang, and dami nang binahang lugar.

Hindi lang ang Metro Manila kundi ang mga lalawigan ng Pampanga at Bulacan at Kabikulan.

Paano na lang kung umulan nang siyam-siyam at paano kung tumama nang todo sa kalupaan ang mga magkakasunod o kambal o triplet na bagyo?

Paano kung aabot ang pag-ulan ng isa, dalawa o tatlong linggo gaya noong maganap ang bagyong Ondoy at isang kakambal nitong bagyo?

Bantayan ang mga dam

Ang isa sa mga dapat na bantayan ngayong tag-ulan ay ang mga naglipana na dam sa paligid.

Sa Metro Manila at karatig na lalawigan, may tatlong dam na posibleng pagmulan muli ng matitinding pagbaha.

Ang Angat Dam, Ipo Dam at La Mesa Sam.

Sa bahagi ng Pangasinan, naririyan ang San Roque Dam.

Sa parte ng Nueva Ecija at malaking bahagi ng Central Luzon, naririyan angPantabangan Dam.

Sa Cagayan Valley naman ay naririyan ang Magat.

Sa Mindanao, naririyan ang Agus-Polangui dam.

Marami pang dam ang hindi nababanggit.

Nagpapakawala ng tubig

Kahapon ay nagpakawala ang Ipo Dam ng mga tubig.

Iniulat namang kritikal ang kalagayan ng La Mesa Dam.

Medyo binabantayan na rin ang Angat Dam.

Ang pagpapakawala ng tubig ng mga dam ang dapat talagang bantayan.

Nitong pagpapakawala lang Ipo Dam, ano-anong mga lugar ang dinaluyan ng mga tubig nito?

Tiyak na isa ito sa mga dahilan kung bakit binaha ang maraming lugar sa Quezon City, Marikina at Bulacan.

Eh kung sumabay na nagpakawala ang La Mesa at Angat dams, ‘di lalong nagkaloko-loko na ulit sana ang buhay sa Metro Manila at sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga?

Kamatayan at kasiraan

Matindi at hindi maikakaila ang mga kamatayan at kasiraan sa ari-arian na bunga ng mga pagbaha.Libo katao ang namatay noong nagka-Ondoy.

Daan-daan naman ang namatay sa Pangasinan at Central Luzon noong umulan nang umulan at nagpakawala ang San Roque Dam.

Daan-daan din ang namatay sa Cagayan de Oro at Iligan City, kasama na ang ilang bahagi ng isla ng Negros kamakailan lamang.

Hindi rin malilimutan ang pagragasa ng mga putik na baha sa Quezon ilang taon na ang nakararaan.At ang St. Bernard, Leyte na binaha ng putik, nakupo.

Napepeste na nga ang mga tao sa baha, pati ang kanilang mga alagang hayop at panananim ay nasisira rin.Pati ang lahat ng mga negosyo o hanapbuhay na dinaraanan ng baha ay sira rin.

Kasama rin sa mga nasisira ang mga imprastraktura ng pamahalaan.

Bilyon-bilyong piso ang nasisira taon-taon dahil sa mga baha at ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nauudlot maging ang pag-unlad ng buong bansa.

Siyempre pa, hindi pupuwedeng bigyan ng halaga ang mga nalalagot na buhay at sa halip ay iniiyakan na lamang ang mga ito.

Gobyerno ang aasahan

Marami tayong naririnig na aksyon ng gobyerno laban sa baha.

Sabi nila, hindi na gaanong babahain ang Metro Manila.

Lalo na kung magawa na ang lahat ng kanilang ginagawa sa kasalukuyan.

Tinatayang nasa 40% na umano sa mga imprastrakturang ginagawa ang natatapos.

Baha lumilipat

May masasama nga lang na nagaganap.

Sumbong ng ating mga Uzi, nagsisilipatan lang ang mga baha.

Sa Valenzuela, nang itaas ang MacArthur Highway at nang may nagagawa nang bahagi ng CAMANAVA Flood Control Project, may dating hindi binabaha ang binabaha na ngayon.

At namamahay pa.

Ang nabawasang baha sa Altura, Manila ay lumipat naman sa paligid ng mga eskuwela ng Polytechnic University of the Philippines na kinaroroonan ng libo-libong estudyante.

Madaling bahain

Ang nakatatakot ay napakarami na ang mga napakadaling bahain na dati naman ay hindi binabaha.

Magtanong pa kayo, mga Bro, sa mga matatanda sa bawat lugar.

Sabi ng ating mga senior citizen, ngayon lang nagagap umano ang mga pagbaha na hindi nila nakita noong unang mga panahon, noong mga bata pa sila.

Muling mag-isip

Mula sa mga karanasang ito, dapat na muling pag-aralan ng mga kinauukulan ang mga pagbaha.Saan ba nagmumula ang mga ito?

Siyempre pa, hindi natin maiiwasan ang baha kung kalikasan na ang magsasalita.

Gaya ng pag-ulan ng siyam-siyam at pagsalubong dito ng high tide mula sa mga karagatan.

Gawin ang kaya

Pero hindi nangangahulugan na sumuko na ang lahat, lalo na ang gobyerno na riyan naipon ang lahat ng lakas ng mamamayan na humarap sa mga problemang gaya ng baha.

Bawat problema, may kasagutan o remedyo.

Hindi dapat na tumigil ang gobyerno sa paghahanap ng mga kasagutan sa problema.

Hindi sapat na makita ang mga dahilan.

Dapat ginagawan ang mga ito ng mga paraan.

Labis na kainutilan ang kawalan ng pamahalaan ng kasagutan sa problemang palala nang palala at deka-dekada na nating dinaranas.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply