Mga makabagong siga

DATI, ang mga sigang kinatatakutan malalaki ang katawan at mukhang kontrabida. Ngayon, pwede nang magsiga-sigaan basta may cellphone o access sa internet. Sila ang cyber-bullies.

Hindi tulad noon na maaaring maiwasan ang mga siga basta ‘wag ka lang dumaan sa tambayan nila sa kanto, ang cyber-bullies ay pwedeng makaperwisyo saan man at kailanman.

‘Di hamak na mas matindi ang sakit sa dibdib na nagagawa ng makabagong pambu-bully kumpara sa old-fashioned na bersyon nito. Noon, maaaring magkapasa o mapahiya sa ilang taong nakapanood kung paano ka pinitsarahan ng nag-trip sa iyo. Masakit pero lilipas din sa madaling panahon.

Pero iba ang cyber-bullying. Oras na mai-upload sa internet ang mapanirang impormasyon (teksto, litrato o video man) ay mahirap nang burahin ito. Kasi, maaaring libo-libong beses na napagpasa-pasahan sa napakaraming website ang mga ito.

Kaya’t ang dating kahihiyan ay mamu-multiply ng ilang libong beses. Bukod dito, kahit kaapu-apuhan ng siniraang tao ay maaari pa ring maka-access sa in-upload  ng cyber bullies. Lumilipat sa ibang henerasyon ang kahihiyan!

Kaya’t kaaawaan natin ang sitwasyon ng mga tulad ni Katrina Halili, Maricar Reyes at iba pang nabiktima ng dating doktor na si Hayden Kho, gayundin ang libo-libo pang ibang hindi kilala na sinira ng kani-kanilang boyfriend, girlfriend o sinomang kaaway.

Marami pang ibang paraan ng cyber-bullying. Sobrang creative ang nanggagalaiting manira. Kaya’t kailangan na talaga ang isang batas na pipigil sa mga astig sa  internet at cellphone.

Kaya’t natuwa ako nang itulak nina Reps. Irwin C. Tieng and Mariano Michael Velarde  ng Buhay Party-List ang pag-usad ng House Bill 6116 o tinatawag na “Anti Cyber Bullying Act of 2012.”

Iniengganyo ko rin ang lahat na ipaalam sa mga kongresista ng inyong distrito ang inyong pagsuporta sa panukalang-batas na ito.  Dapat ipuwesto ang katapat na parusang naghihintay sa mga cyber-bully sa madaling panahon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply