Mga nililindol bantayan at mahal na kuryente

SA nakalipas na pitong araw, may dalawang lindol na naganap sa mahal kong Pinas.

Mayroon sa Mindanao at mayroon sa Luzon.

Para sa atin, mahalagang bantayan ang mga lindol na ito lalo’t tag-ulan.

Babantayan sila dahil maaaring pagmulan ang mga ito ng mga disgrasyang malalaki o maliliit.

BITAK NA MGA LUPA

Nakikita man natin o hindi, tuwing may lindol ay may nabibitak na kalupaan.

Hindi nakikita ang mga malalayong lugar gaya ng mga kabundukan.

Pero sa mga lugar na tinitirhan o ginagalugad ng mamamayan, kitang-kita ang mga bitak ng lupa.

Mayroon namang mga bitak na hindi inaakala ng ordinaryong mamamayan na galing sa lindol.

At ang mga taga-Philippine Institute of Volcanology ang Seismology ang karaniwang nakakikita nito.

Halimbawa na lamang  ang mga lugar na pinagbibitakan ng mga kabahayan o o gusali o subdibisyon na minarkahan ng mga taga-Phivolcs sa Quezon City, Marikina City at iba pa kaugnay ng Marikina faultline.

MALAMBOT NA LUPA

Ngayong tag-ulan, mga Bro, malambot ang lupa.

Kapag tuloy-tuloy ang ulan, napakalalim pala ang basang kalupaan.

Pinapasok ng ulan ang mga kalupaan ng kung ilang metro.

Hanggang sa abutin ng tubig-ulan ang mga likas na antas ng kalupaan na may mga tumatakbong tubig gaya ng mga nasasagap ng ating mga patubig, deep well at kung ano-ano pa.

LANDSLIDE SA KABUNDUKAN

Kapag malambot ang lupa, makilos ito.

Sa siyam-siyam na ulan, bumibigay ang mga bahagi ng kabundukan na bumitak o humiwalay na sa isang parte.

Eh paano kung magkaroon muli nang lindol?

Lalong bibigay ang mga alanganin na ang kalagayan na mga kalupaan o kahit kabatuhan pa.

Kaya naman, madalas na may mga landslide sa mga bulubunduking lugar gaya ng mga nasa Cordillera.

ST BERNARD, LEYTE

Hindi natin malilimutan ang naganap na trahedya sa St. Bernard, Leyte ilang taon na ang nakararaan.

May siyam-siyam na ulan noon sa kabundukang bahagi nito.

Basta narinig na lang ng mamamayan noon na may napakalakas na pagsabog sa lugar.

Kasunod na nito ang mga rumaragasang tubig-baha, bahang putik at gumugulong na malalaking bato at adobe.

Walang nagawa ang mamamayan kundi tangisan ang kanilang sinapit.

Sa huli, idineklara na lamang na isang memorial ang lugar, lalo na ang eskuwelahan na dinaluhong  ng landslide at kinamatayan ng daan-daang guro at bata.

Sa paniniwala ng marami sa lugar, hindi lang ang pagkakalbo ng kabundukan nauugat ang problema.

Nagkaroon ng landslide dahil sa nauna nang mga lindol na tumama sa lugar at nagpabitak dito.

LANDSLIDE SA MGA HIGHWAY

Maraming lugar ang tinatamaan ng mga landslide.

Pero ang Cordillera, kabilang na ang bulubunduking bahagi ng Central Luzon, Cagayan Valley at Kabikulan ang karaniwang biktima nito..

Maya’t maya ay dinadapurak ng mga landslide ang mga lugar sa tag-ulan.

Hindi lamang buhay ang kinikitil o sinisira ng mga landslide kundi maging ang mga tahanan, hanapbuhay at paglalakbay ng mamamayan.

Muli, pinaniniwalaan na may kaugnayan ang mga lindol sa mga landslide.

Maaaring ang mga lindol ay noon pa naganap ngunit nag-iwan ang mga ito ng mga lamat sa mga lugar.

At sa huling mga araw na lamang nalalaman na nagbubunga na pala ng masama ang lindol.

MAG-ULAT KAAGAD

Kung may nakikita tayong mga nagkalamat na kalupaan, istruktura at iba pa dahil sa lindol, tama lang na iulat natin sa mga kinauukulan.

Mabuti nang malaman ng mga awtoridad ang mga pangyayaring ito para na rin sila makagawa ng mga kaukulang hakbang.

Para na rin sa kaligtasan nating lahat.

KURYENTENG NAPAKAMAHAL

Muling magtataas ang kuryente sa Mega Manila.

Yun bang === Metro Manila, Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite.

Tayo na ang may pinakamahal na kuryente sa Asya at kabilang sa mga may pinakamahal na kuryente sa buong mundo.

Ano na ang nangyari at pamahal nang pamahal ito sa kabila ng pagkakaroon natin ng mga batas at murang pinagmumulan ng kuryente?

SUMPA NG EPIRA

Electric Power Industry Reform Act o EPIRA ang tawag sa batas na umiiral para sa kuryente.

Yang sapat na suplay at pagiging mura ng kuryente ang pangunahing tadhana ng batas na ito.

Pero bakit baligtad ang nagaganap?

Una, lalong nagmahal ang kuryente.

Ikalawa, malapit na umanong magkaroon ng krisis sa suplay ang buong Pinas.

MURANG KURYENTE

Napakamura ang natural gas na minimina sa Malampaya, Palawan.

Sabi, nasa P14 lang ang isang litro at panggatong ito ng mga higanteng planta ng kuryente sa Batangas at mahigit na 60 porsyento ang kuryenteng nanggagaling dito.

Umaandar din ang lahat ng mga plantang hydro o nasa mga dam at napakamura rin ang kuryente mula rito.

Gayundin ang mga plantang gumagamit ng uling o coal.

Pero napakamahal ang kuryente at nagmamahal pa ngayon. Bakiiiiiiiiit???

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply