Milagro sa presyo ng langis at ang gobyerno

MISTERYOSO talaga ang presyo ng kuryente at petrolyo. Pero ang misteryo ay malinaw na nauugat sa walang pakundangang pagsasamantala ng mga may negosyo rito.

Kahit magkandahetot-hetot ang buhay ng mamamayan, wala silang pakialam. Kahit na ang mamamayan mismo ang pinagkukunan nila ng sobra-sobra nilang yaman.

Ang importante, masaya sila sa paglulunoy o paglangoy-langoy sa dagat ng kanilang mga salapi.

MARAMING DAHILAN

Hindi nauubusan ng dahilan ang mga kompanya ng langis sa pagtataas nila ng presyo ng petrolyo.

Sa ngayon, nagbanta umano ang Iran na ipasasara ang bunganga ng Strait of Hormuz na daanan ng langis palabas mula sa Gitnang Silangan.

Sinabayan pa ito ng pagganda umano ng ekonomiya ng mga Kano at Tsina.

Napakamahal pala ang banta na hindi naman nagaganap at lalong mahal ang petrolyo dahil sa pagdami ng mga gumagamit nito.

Ito’y sa kabila ng mababa o hindi paggalaw pataas ng gastos sa produksyon ng langis kahit saan sa mundo.

Isa pa, mas malaki ang produksyon ng langis sa labas ng Gitnang Silangan o maging sa Organization of Petroleum Exporting Countries ngunit magtataka ka kung bakit nagiging dahilan ito.

Ang magkaibang kalagayang ito ang misteryo sa presyo ng langis.

Kailan kaya kakarmahin ang mga animal na negosyante sa langis o petrolyo?

IBA PANG DAHILAN

Hindi lang ang mga ispekulador o middlemen ng langis ang nagpapataas ng  presyo.

Aktibong sumasali rito ang mga kompanya mismo ng langis.

Dalawa ang pangunahing paraan ng mga kompanya ng langis sa lalong pagtataas kaysa pagbababa ng presyo.

Una, sinasabi nilang gusto lang nilang bawiin ang kanilang puhunan sa pagmimina ng langis.

Pero alam naman ng lahat na karaniwang nababawi ng mga kompanya ng langis ang kanilang mga puhunan sa limang taon nilang tuloy-tuloy na operasyon.

Ikalawa, sa kanila rin ang mga refinery na roon ginagawa ang langis na magiging diesel, gasolina, liquified petroleum gas, gaas, bunker fuel, grasa, gear oil at iba pa.

LOKOHAN SA REFINERY

Kayang-kaya ng mga kompanya ng langis ang magbaba o magtaas ng presyo sa pamamagitan ng pagkontrol nila sa lalabas na mga produktong petrolyo mula sa mga refinery.

Kapag sinabi nilang sira ang refinery at magre-repair sila, siyempre hihinto o hihina ang produksyon. Dahil sa kakaunti na suplay, diyan na magtataas ang mga kompanya ng langis ng  presyo.

Lalong gusto nilang tataas ang presyo kung magsasara sila ng refinery dahil liliit ang bilang ng refinery na magpoproseso ng langis na maging diesel, gasolina at iba pa.

DAHILAN SA PINAS

‘Yung mga higanteng kompanya gaya ng Shell at Caltex o Chevron, kasama na rin ang mga pinagkukunan ng Petron, ay pinagtatahi-tahi ang mga dahilan na galing sa loob at labas ng mahal kong Pinas.

Dito sa Pinas, kung hindi na maliwanag ang dahilan ng kanilang oil price hike, isinasangkalan nila ang Oil Deregulation Law. Sinasabi nila na mismong ang pamahalaan ang nagbigay sa kanila ng karapatan o kapangyarihan na magtakda ng oil price hike at kaunting oil price reduction.

Kung sasablay ito, ang pamahalaan pa rin ang isinasangkalan ng mga ito sa pagsasabing mahal ang petrolyo dahil sa 12 porsiyentong expanded value added tax dito.

At ang 12%, sa mata ng Petron ay nasa P15 kada litro. Walang binatbat dito ang rason na tumataas kasi umano ang presyo sa pandaigdigang pamilihan.

Maliban na lang kung klaro na nagtataas ang presyo sa labas ng bansa na silang mga kompanya ng langis mismo ang kasabwat sa mga oil price hike.

HIGIT SA PISO

Ito namang gobyerno natin ay ginagawang propeta ang sarili pabor sa mga kompanya ng langis.

Sinasabi ng mga spokesman ng mga kompanya ng langis sa Department of Energy na iniaanunsyo nila ang oil price hike, gaya ng darating na OPH sa susunod na mga araw bilang babala sa mamamayan.

Pero hindi ba alam ng mga lintek na ito, na ito ang nagbibigay-hudyat sa mga kompanya ng langis na magtaas ng presyo? At dahil sinasabi ng DOE na tiyak umanong mahigit sa piso ang OPH, sinong kompanya ng langis ang hindi gagawa nito?

SUMPA SA PINOY

Ngayong magsisimula uli ang OPH, magiging kasumpa-sumpa na naman ang kalagayan ng mamamayan. Tiyak na isasangkalan ng mga negosyante ang OPH sa pagtataas ng presyo ng bilihin.

Pagkain, gamot, damit, materyales sa bahay, gamit sa edukasyon, gamit sa produksyon ng palay o bigas at iba pa.

Lalong tataas din ang presyo ng kuryente sa rason ng mga negosyante rito na gumagamit sila ng mahal na langis. Kahit pa umaandar na ang lahat ng hydro electric plant at natural
gas plant na pawang napakamura ang panggatong sa paglikha ng kuryente.

HIGIT NA MATUTUWA

Heto ngayon ang masakit na masakit.

Ang gobyerno ang higit na matutuwa sa lahat sa oil price hike dahil mas malaki pa ang kita nito kumpara sa kinikita ng lahat ng mga kompanya ng langis sa Pinas.

Sapagkat hindi lang sa langis magkakaroon ng malaking koleksyon sa lumalaki ring expanded value added tax. Habang mas mahal ang langis at iba pang mga bilihin at serbisyo,  mas malaki ang kita ng gobyerno na sa kalaunan ay nagiging pork barrel na pinagkakakitaan ng sangkaterbang corrupt na opisyal ng pamahalaan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply