Minors sa mga Internet shop sa Marikina hihigpitan

MULING pinaalalahanan ng lokal na pamahalaan ng Marikina sa pangunguna ni Mayor Del De Guzman ang mga may-ari ng computer shop sa lungsod na maging mas mahigpit sa pagbabawal sa mga mag-aaral at menor de edad sa paggamit ng kanilang computer units tuwing oras ng klase.

Alinsunod sa Ordinansa Bilang 44, Serye ng 2006, ang mga mag-aaral at menor de edad na bibisita sa mga nasabing establisimyento ay pinagbabawalang maglaro ng computer games lalo na sa oras ng klase dahil sa nakaaapekto ito sa kanilang pag-aaral.

Pinaalalahanan din ni De Guzman ang mga may-ari ng computer shop na mahigpit ding ipinagbawal ang mga aktibidad tulad ng sexual acts; pornographic materials; paggamit o pagkalakal ng ilegal na droga, alak at sigarilyo; at pagsusugal.

Kinakailangan ding maglagay ang mga establisimyento ng karatula na may nakasulat na “Internet pornography and on-line gambling are prohibited!” sa mga computer shop.

Ang sinumang mag-aaral na menor de edad na papasok sa Internet café o computer rental shop ay kailangang magpakita ng identification (ID) card at iskedyul ng kanilang klase na nagmula sa Registrar’s Office ng kanilang paaralan.

Dagdag pa rito, ang estudyante at out-of-school na menor de edad ay pinagbabawalan ding pumasok sa mga nasabing lugar ng alanganing oras o sa oras ng curfew (11pm hanggang 4am) maliban lamang kung sila ay may kasamang magulang o tagapag-alaga.

Ang may-ari at tagapangasiwa ng Internet cafes, computer rental o computer gaming shops ay papatawan ng multang PhP5,000 sa bawat paglabag na kanilang gagawin.

“Malaking tulong ang mga computer shop sa pag-aaral ng mga bata lalo na sa paggawa ng kanilang mga takdang-aralin. Subalit kasabay nito, may ilang nahuhumaling sa paglalaro o ibang gawaing nakakasira na sa kanilang pag-aaral at kinabukasan. Ito ang nais nating iwasan at mapigilan. Kaya naman hinihingi natin ang kooperasyon ng mga may-ari ng mga Internet café o computer shop, at maging mga magulang upang maiwasan ito,” wika ni Mayor Del De Guzman.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply