Nabiktima ng sunog sa Marikina inayudahan ng CSWDO

BILANG tulong para sa isang bagong simula, namahagi ng ilang materyales sa paggawa ng bahay ang lokal na pamahalaan ng Marikina sa pamamagitan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) sa mga naging biktima ng sunog sa Bagong Sibol, Brgy. Nangka noong ika-2 ng Hulyo.

Ang 24 na yero at 80 tabla na ipinamahagi ay hahatiin sa apat na kabahayan na may limang pamilyang naging biktima ng sunog.

Layunin ng aktibidad na makatulong sa muling pagtatayo at pagbangon ng mga apektadong pamilya.

“Inaasahan natin na malaking tulong ito sa kanilang pagsisimulang muli matapos ang sunog. Dama natin ang hirap ng masunugan at maging abo ang kanilang pinaghirapan. Sa kabila nito, nagpapasalamat tayo dahil kagamitan lamang ang naabo at walang namatay mula sa sakuna,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Ayon naman sa pagsisiyasat ng Bureau of Fire Protection-Marikina, electrical short circuit ang naging sanhi ng nasabing sunog.

Nagpaalala namang muli si Mayor Del De Guzman sa mga residente ng lungsod na maging mas maingat upang maiwasan ang sunog.

“Tayo ay dapat na maging mas maingat pa. Siguraduhing maayos at laging inspeksyunin ang  mga kable ng kuryente at iwasan din ang sabay-sabay na pagsaksak ng mga kagamitang ginagamitan ng kuryente,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Ipinapayo rin ni De Guzman na ugaliing ilagay sa lugar na madaling makita ang mga numero ng telepono ng pamatay-sunog para sa kagyat na responde sakaling kailanganin ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply