Naghangad ng agimat natigbak

ANG matinding pagnanais ng isang magsasaka na magkaroon ng anting-anting ang siya palang magdadala sa kanya sa maagang kamatayan matapos siyang matuklaw ng ahas habang nakanganga sa ilalim ng puso ng saging sa Brgy. Alba, Baggao, Cagayan.

Agad binawian ng buhay ang biktimang si Mike Quitlong, 45, may asawa, corn farmer, residente ng Purok 3, Brgy. Alba, sa naturang bayan.

Nabatid sa ulat na nakarating sa mga awtoridad, noong nakalipas na Hunyo 30, dakong 12:30 ng hatinggabi nang maganap ang insidente habang inaabangan ni Quitlong ang umano’y batong puti na mahuhulog sa puso ng saging na nasa hindi kalayuan sa kanilang tirahan.

Nauna rito, isa umanong nagngangalang Orbano Manzano, 75, matandang binata, walang trabaho, ang nakapagkwento sa biktima na may anting-anting ang puno ng saging na malapit sa bahay nito. Kwento umano ng matanda, lumalabas sa puso ng saging ang anting-anting nito tuwing hatinggabi at ang mapalad na makakukuha nito ay tiyak na hindi tatablan ng apoy o masusunog kahit sa init ng araw.

Sa ganda ng pagkakakwento ng kalugar, naengganyo ang biktima kaya isang hatinggabi ay lumabas ito ng bahay at binaybay ang patungo sa mga sagingan.

Isang puno rito na may puso ang pinaghinalaan niyang siyang naglalabas ng anting-anting.

Nakanganga ang nakatingalang biktima na naghintay sa pagpatak ng anting-anting sa puso ng saging. Ngunit dahil katatapos lang ng ulan ay tubig ang pumatak sa ngala-ngala ni Quitlong na posibleng ikinagulat niya kaya napalundag ito at sa kamalasan ay naapakan ang isang dahong palay na ahas.

Tinuklaw ng nasaktang ahas ang biktima ngunit dahil mahilig maniwala sa sabi-sabi si Quitlong ay hindi nito dinala sa pagamutan ang sarili sa halip ay nilunasan nito ang kagat ng ahas sa paraang ayon sa matatanda sa kanilang lugar.

Ilang araw lang ang lumipas ay binawian ng buhay ang biktima.

Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ng mga awtoridad ang mamamayan na huwag ipagbaka-sakali ang kanilang kaligtasan laban sa mga kagat ng hayop o insekto.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply