National artist award kay Dolphy at trapik sa MM

PUMANAW na si Markova alyas Puruntong alyas Mang Kevin alyas Pidol at iba pa. Si Dolphy yan na ang tunay na ngalan ay Rodolfo Vera Quizon Sr.

Sa buong buhay ni Dolphy, wala na itong ginawa kundi ang magbigay ng kasiyahan.

Bukod lang nang gawin niya bilang sarili niyang katauhan si Markova.

‘Yun bang === ginawang parausan ng mga Hapon noong naggiyera ang mga Hapon at Kano sa mahal kong Pinas.

Anak ng tokwa, naggiyera ang mga Hapon at Kano pero ginawang parausan si Dolphy, este, si Markova ng mga Hapon.

‘Yung mga tinatawag namang PomPom girls ang ginawang parausan ng mga Kano.

NATIONAL ARTIST AWARD

Pabor tayo na gawaran si Dolphy ng National Artist Award.

Akalain mo, inubos niya ang buong buhay niya sa pagbibigay ng kasiyahan sa halos lahat ng nilalang sa Pinas.

Naghayag din siya ng seryosong usapin gaya ng tema sa pelikulang Markova.

Nakapanghihinayang nga lang at hindi nakalikha ng mga tsunami ang nasabing pelikula para sa katarungan ng mga inaping bading noong panahon ng Hapon.

Pero hindi dapat na ma- daliin ang pagbibigay sa kanya ng award at kailangang idaan sa proseso.

Hindi magandang tingnan na magmukhang consuelo de bobo ang award na nararapat naman sa kanya.

MALUNGKOT NA MARKOVA

Malungkot talagang isipin na ang pelikulang Markova: Comfort Gay ay hindi man lamang nabigyan ng kaukulang pansin.

Ni daliri ay hindi nagtaas ang mga kinauukulan upang maiangat naman sana sa kamalayan ng bansa at daigdig ang pagyurak sa dignidad ng mga inabusong bading noong panahon ng Hapon.

Mabuti pa ang mga Comfort Women at naihahayag nila nang todo ang kanilang sinapit at may tumutulong sa kanila na makamit ang katarungan bagama’t napakailap itong kamtin.

Siguro panahon nang bigyan natin ng puwang ang mga Markova na pinasikat ni Dolphy sa loob at labas ng bansa.

BEST ACTOR

Dahil sa kanyang seryosong paggampan ng isang Markova, nanalo si Dolphy bilang best actor sa Brussels International Film Festival.

Naging best actor din siya sa Pinas sa ilalim ng FAMAS awards at Urian awards dahil sa kanyang pagbibigay-buhay sa mga Markova.

Ngunit higit na mahalaga rito ang pagtanggap niya sa role na Markova upang ilantad ang natatagong katotohanan sa ating kasaysayan noong panahon ng tadong Hapon.

PAKIKIISA SA LAHAT

Katuwaan at kasayahan ang pangunahing inihatid ni Dolphy sa sambayanan sa kanyang deka-dekadang pagiging artista ngunit sa kanyang pagpanaw ay ramdam na ramdam ang taimtim na damdamin na may malaking respeto ang inihahatid sa kanya.

At kaisa tayo sa mga naghahatid kay Dolphy ng tunay na pagkilala sa isang tunay na artista.

Nais nating ihayag ang ating pakikiisa sa mga minamahal ni Dolphy na kanyang naiwan sa kanyang pamamaalam.

GRABENG BAHA

Grabe na talaga, mga Bro, ang trapik tuwing may malakas na ulan. Kahit na saglit lang ang mga pag-ulan, grabe ang mga pagbaha na lumilikha ng mga grabeng trapik kahit saan.

Tila wa epek, mga Bro, ang mga anti-flood na proyekto ng pamahalaan.

Ang masama, iniuulat sa atin na lumilipat lang ang mga baha. Kapag nakontra ang baha sa isang lugar, sa iba naman dumadaloy ang mga baha.

Kaya tila wala na talagang kalutasan sa problemang ito.

CAMANAVA FLOOD CONTROL

Diyan nga lang sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela na kinatatayuan ng CAMANAVA Flood Control Project, akalain ba nating niyayari pa rin ng baha ang lugar kahit tapos na ang nasabing proyekto na bilyon-bilyong piso ang halaga.

Palibhasa, marami palang pandak na dike diyan at hindi yata sinunod ang nakaprograma o nakaplano na tangkad ng mga ito.

Pagkatapos, eh, may ginawa pang putik na dike at hindi ito sinemento gaya ng nakaprograma umano.

Anak ng tokwa.

Kaya kung magka-high tide at umulan, naririyan na ang grabeng baha.

IBA PANG MGA PROBLEMA

Wala na nga yatang pag-asa ang mga anti-flood control project, pinalalala pa ito ng ibang mga problema.

Halimbawa rito ang paggawa sa mga lansangan ng basketball court o garage area ng mga barangay.

‘Yung ibang mga kalsada ay nilalagyan ng mga gate at animo’y mga kalsada ng mga subdibisyon.

Kaya naman kung umiwas ang mga motorista sa baha, wala silang mapasukang kalsadang matino kundi sa mga binabahang kalsada pa rin.

Hanggang sa magsara na lang ang mga daan dahil sa trapik na likha ng baha.

AKSYON KONTRA BARA SA DAAN

Hindi na natin babanggitin ang mga lungsod sa Metro Manila na may mga baradong kalsada dahil sa mga itinatayong basketball court, garahe ng kanilang mga sasakyan at binabakuran.

Alam lahat yan ng mga mayor at kapitan ng barangay. Ang masasabi natin sa kanila ay magboluntaryo naman ang mga ito na buksan ang mga kalsadang yan para gawing daan ng mga motorista.

Kung wala nang magawa ang mga opisyal laban sa baha, malaking bagay ang pagbabalik nila sa publiko ng mga kalsadang kanilang mga inaangkin sa napakaraming barangay.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply