NDRRMC: 2 patay, 6 pa nawawala sa bagyong Ferdie

(UPDATE) DALAWA katao ang iniulat na namatay habang anim pa ang nawawala sa pananalasa ng  Tropical Depression Ferdie ngayong araw.

Sa isang panayam sa telebisyon, kinumpirma ni National Disaster Risk Reduction and Management Council head Benito Ramos na nasawi ang isang nagngangalang Jonathan Sagodaquiel, 31, makaraang malunod sa Baragay Wawa sa Lumban, Laguna.

Nalunod si Jonathan nang madulas habang papatawid sa Lumban River.

Sa hiwalay na insidente sa Barangay San Isidro, Naguillan, La Union, nakuha naman ang bangkay ni Wilcor Rellera, 35, sa Pandanga dakong 12:00 ng tanghali kanina.

Hindi pa malinaw kung ano ang nangyari kay Rellera.

Samantala, anim katao pa ang nawawala, kasama na isang anim na taong batang babae ng Barangay Lon-Oy, San Gabriel, La Union na natangay ng malakas na agos ng Balballaya River.

Si Junrel Tamario, 20, ng Dona Calixta, Barangay, San Andres, Cainta, Rizal, ay nadala rin ng agos habang nangingisda sa Dona Calixta Creek.

Apat na mangingisda pang kinilalang sina Teodorico Caampued, 60; Robinson Siso, 50; Rogelio Canayon, 35; Levi Caballero, 23, mula sa Barangay Victory, Bolinao, Pangasinan, ang nawawala matapos tumaob ang kanilang bagkang pangisda sa Bolinao.

Isang Kim Go, 17, naman ang nasagip matapos bumagsak sa General Ricarte Creek, Barangay San Juan, Cainta noong Biyernes.

Sa ulat, lasing din umano si Go kaya nahulog sa creek.

Dinala siya sa Bagong Cainta Municipal Hospital matapos masagip.

Binayo naman ng ulan ang buong Metro Manila at mga kalapit na lugar, ayon sa PAGASA.

Inaasahang ngayong gabi makalalabas na ng Philippine area of responsiblity ang bagyo.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply