NPC nababahala sa peace and order situation sa bansa

NAGPAHAYAG ng pagkadismaya sa estado ng peace and order ang National Press Club of the Philippines (NPC) kung saan isa na namang kasapi ng media at kapatid nito ang nabiktima ng armadong suspek noong Sabado ng gabi sa isang “highly-secured subdivision” sa Calamba City, Laguna.

“Bagaman laging handa ang NPC na tumulong sa kampanya ng gobyerno laban sa krimen, lubhang nakababahala na ang sitwasyon kung saan isa namang kasapi ng media ang nabiktima ng mga armadong kriminal,” ayon kay NPC president, Benny Antiporda.

Kinilala ang biktima na si Nixon Cua, nasa hustong gulang, kolumnista ng Pilipino Star Ngayon (PSN) at dati ring opisyal ng gobyerno noong panahon ni Pang. Joseph Estrada.

Si Nixon at kapatid nitong si Allyson, 46, ay binaril ng apat na ‘di pa kilalang robbery suspects sa labas ng bahay ng huli sa loob ng eksklusibong Ayala Greenfield Makiling Highland, Bgy. Maunong, Calamba City.

Nagtamo ng tama ng bala sa mukha si Nixon at iba pang bahagi ng katawan, gayundin si Allyson, na pareho ngayong kritikal sa Calamba Medical Center.

Pagnanakaw ang sinisilip na motibo kung saan isang handbag na may P90,000 cash at Iphone ng anak ni Allyson na si Sue Anne ang nakuha ng suspects na naglakad lamang sa kanilang pagtakas.

“Bagaman nagbigay na ng pagtitiyak sina Calabarzon police director, Chief Supt. James Melad at Laguna police director, Senior Supt. Gilbert Cruz, kay NPC director, Paul Gutierrez na “nakatutok” na ang ating kapulisan sa kaso at mayroon na silang mga “lead,” ang agarang pagkahuli sa mga suspects ang kukumbinsi sa NPC sa sinseridad ng kanilang sinasabi,” diin pa ni Antiporda.

Nanawagan din si Antiporda sa lahat ng Pilipino na mag-alay ng dasal para sa mabilis na paggaling ni Nixon at kapatid nito.

Nanawagan din si Antiporda sa pamunuan ng Ayala Land na repasuhin ang “security plan” ng nasabing subdibisyon at para sa agarang pagsibak sa security agency nito. “Ang kanilang kapabayaan ang naglagay ngayon sa buhay ni kasamang Nixon at kanyang kapatid,” pansin pa ni Antiporda.

Aniya pa, ito ang ikalawang insidente sa nakaraang 2 linggo kung saan kasapi ng media ang nabiktima ng mga elementong kriminal.

Matatandaan na naging biktima rin si ABS-CBN reporter Jay Ruiz ng “limasin” ng mga magnanakaw ang laman ng kanyang bahay sa loob din ng isang “highly-secured subdivision” sa Quezon City.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply