Obispo kay Duterte: Dignidad ng akusado igalang

DAPAT isaalang-alang ng mga local government officials ang dignidad at karapatan ng isang akusado sa isang krimen.

Ito ang paalala ni Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso kasunod nang ginawa ni Davao Vice Mayor Rodrigo Duterte na pagpapakain ng papel sa isang nahuling suspek sa pekeng titulo ng lupa na kanyang ginagamit sa ilegal na raket.

Ayon kay Medroso, chairman ng Episcopal Commission on Cannon Law ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), bagamat nauunawaan niya na may mga tao na talagang hindi natututo sa nagawa nilang krimen, dapat pa ring isaalang-alang ng mga kinauukulan ang kanilang dignidad at karapatang pantao.

Sinabi ng Obispo na maraming paraan para maparusahan ang isang suspek o taong gumawa ng krimen, na naaayon sa batas tulad ng pagpapakulong sa mga ito.

Naniniwala rin si Medroso na gaano man kasama ng isang tao ay may natitira pa rin itong kabutihan sa kanyang puso para magbagong buhay.

“Sana isaalang-alang pa rin nila ang dignidad ng akusado. Tao pa rin naman yan. Although, nauunawaan natin na minsan talaga nauubusan din tayo ng pasensya kasi may mga tao talagang nakakagawa ng krimen na hindi natututo sa kanilang kasalanan pero may karapatan pa rin ang mga ito at may dignidad na dapat igalang. Marami namang paraan para papanagutin sila sa batas gaya ng pagpapakulong sa kanila,” anang obispo, sa panayam ng church-run Radyo Veritas.

Iginiit pa ni Medroso na bilang opisyal ng bayan ay dapat na maging ehemplo sila ng kabutihan at kababaan ng loob sa kanilang mga nasasakupan at hindi mga opisyal na hindi sumusunod sa batas.

Noong nakaraang taon ay nasangkot din sa pananapak ng isang Sheriff ang anak ni Duterte na si Davao Mayor Sara Duterte.

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply