P20-M piniratang DVD nasabat sa Taguig

NASAMSAM ng operatiba ng Optical Media Board (OMB) at Southern Police District (SPD) ang tinatayang P20 milyon halaga ng mga pirated digital video disc (DVD) sa Taguig kagabi (Hulyo 4).

Sa ikinasang raid kagabi, naharang ng mga awtoridad ang isang closed van na naglalaman ng nasa 151 kahon ng mga piniratang DVD at ilang kahon ng mga hindi pa mabatid na Chinese supplements bago pa ito mai-deliver.

Bukod dito, inaresto rin ang Chinese na may-ari ng mga nasabat na DVD na si Mouzhi Zhao at mga trabahador nitong sina Eduardo Gargar, John Gargar, Romel Rudero at si Jason Gatu na kapwa sinabing hindi nila alam kung ano ang laman ng closed van dahil pini-pick up lang nila ang mga kahon at ibinabagsak sa Quiapo, Maynila.

Ayon kay OMB Chairman Ronnie Ricketts, matagal na nilang minamanmanan ang mga suspek.

Aniya, ito na ang maituturing na isa sa pinakamalaking shipment na nasabat ngayong taon ng ahensya.

Tumanggi namang magbigay ng komento si Zhao habang pansamantala silang ide-detain sa headquarters ng SPD habang inihahanda ang isasampang kaso sa kanila.

Dadalhin naman ang mga piniratang DVD sa opisina ng OMB para sa tamang disposition.

Sinabi naman ni Ricketts na malaking tulong ang pagkakaroon nila ng memorandum of understanding (MOU) sa Philippine National Police (PNP) para sa mas magandang koordinasyon sa mga pulis kaugnay ng mga isinasagawang raid.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply