P44-B CCT budget pang-eleksyon 2013 – Obispo

NANGANGAMBA ang mga lider ng Simbahang Katoliko na baka magamit lamang umano sa 2013 elections ang hinihinging P44-bilyong budget para sa Conditional Cash Transfer (CCT) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa kabila naman nito, umaasa si Sorsogon Bishop Arturo Bastes na makonsensiya ang mga pulitiko at mga opisyal ng pamahalaan at huwag gamitin ang CCT budget para sa kanilang mga ambisyong pulitikal.

Kaugnay nito, hinimok rin ng Obispo ang DSWD, Department of Budget and Management (DBM) at mga mambabatas na gumawa ng panuntunan para sa check and balance at tiyakin na mga mahihirap ang tunay na makikinabang sa naturang pondo.

“The DSWD, DBM and lawmakers should make policies to monitor that huge fund. Dapat may check and balance dito upang masiguro na mapupunta talaga ito sa mga poorest of the poor and not be used by politicians for their political grandstanding and ambitions. They should create some measures to monitor the money,” ayon kay Bastes, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Naniniwala rin naman ang Obispo na sa halip na ibigay ng cash, ay mas mabuting ilaan na lamang ang P44 bilyong CCT budget sa pagbibigay ng mga programang pangkabuhayan sa mga mahihirap at pagtulong sa mga magsasaka at mangingisda sa iba’t ibang panig ng bansa.

Iginiit ni Bastes na kung cash ang ibibigay sa mga mahihirap ay mistulang inaapakan na ang dignidad ng mga ito kaya’t sila sa simbahan ay hindi nagbibigay ng tulong na salapi, at sa halip ay nagkakaloob na lamang ng edukasyon, training at livelihood program at iba pa.

Inalmahan din ni Caritas Manila executive director Fr.Anton Pascual ang napakalaking budget na hinihingi ng DSWD para sa CCT program sa taong 2013 na uutangin ng Pilipinas sa International Monetary Fund at World Bank.

Naniniwala si Pascual na hindi magtatagumpay ang CCT program ng pamahalaan upang iangat ang kabuhayan ng mga mahihirap dahil wala itong “economic component” o hindi pinagta-trabahuhan ng mga benepisaryo kung saan nagiging dependent lamang sila sa allowance mula sa gobyerno.

Natitiyak din ni Fr.Pascual na gagamitin sa 2013 elections ang CCT budget.

Sa panig naman ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, naniniwala ito na dapat munang ayusin ang sistema ng pamamahagi ng CCT program bago dagdagan ng pondo nito.

Ani Pabillo, base sa monitoring ng mga rural poor ay nagagamit ang CCT sa pamumulitika ng mga local government units.

Nilinaw ng Obispo na dapat munang i-organize ng gobyerno ang mga mahihirap na sektor sa Pilipinas at direktang ipamahagi ang CCT na hindi na dumadaan pa sa mga LGUs.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply