P5M sa makadadagit ng gold sa Olympics

MAY nakalaaang P5 milyon na insentibo ang inihanda ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa atletang Pinoy na makadadagit ng gold medal mula sa prestihiyosong 2012 Olympic Games na magsisimula sa Hulyo 27 sa London, England.

Nakasaad ang nasabing halaga sa Republic Act 9064 o Athletes and Coaches Incentives Act na kung saan ang magkakamit ng kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas ay mabibigyan ng ganitong insentibo.

Tatanggaop naman ang silver medalist ng  P2.5 milyon habang ang makapagbubulsa ng bronze medal ay tatanggap ng P1 milyon pabuya.

Hindi pa kasama rito ang ibibigay ng pribadong sektor partikular na ang pangunahing tagasuporta ng sports sa Pilipinas- ang negosyanteng si Manny V. Pangilinan na umaalalay sa national boxing team na may pinakamalakas na pag-asang maisakatuparan ang minimithing unang gintong medalya.

“Makatutulong ito sa kampanya ng mga atleta dahil mas magiging inspirado silang lumaban. May mga naririnig na akong indibidwal at kumpanya na handang magbigay ng incentive sa mga medalist pero hayaan natin na sila ang mag-announce,” ani PSC chairman Richie Garcia.

Uhaw ang Pilipinas sa karangalan sa Olympic Games dahil huling nakapagbulsa ng medalya ang bansa noon pang 1996 edisyon sa Atlanta mula sa boksingerong si Mansueto “Onyok” Velasco na nakasilat ng pilak na medalya.

Sa pagkakataong ito, ipaparada ng Pilipinas sa boxing competition ang bukod-tanging qualifier na si light flyweight Mark Anthony Barriga.

Makasasama nito sa kampanya sina long-jumper Marestella Torres, 5,000-meter bet Rene Herrera, weightlifter Hidilyn Diaz, shooter Brian Rosario, swimmers Jessie Khing Lacuna at Jasmine Alkhaldi, Judoka Tomohiko Hoshina, BMX rider Daniel Caluag at archers Mark Javier at Rachel Cabral.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply