Pagpababa sa edad ng young offender busisiin

HINIKAYAT ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mambabatas na pag-aralang mabuti ang isinusulong na panukalang babaan ang edad sa pagtukoy ng criminal liability ng isang menor de edad mula 15-anyos hanggang 12-anyos.

Ayon kay Fr. Conegundo Garganta, executive secretary ng Episcopal Commission on Youth ng CBCP, hindi siya tutol sa pagpapababa ng edad para sa criminal liability kung mapapatunayan ng mga eksperto na batid na ng isang bata kung tama o mali ang kanyang ginagawa o ang krimeng inaakusa sa kanya.

Una nang isinulong ni Iloilo City Rep. Jerry Trenas ang House Bill 3815, para pababain ang edad sa criminal liability ng isang bata at gawin itong 12-anyos, sa mga batang miyembro ng mga gang.

Ang naturang panukala ay magsisilbi umanong paalala sa mga youth offenders na hindi nila dapat samantalahin ang kanilang pagiging exempted sa batas upang patuloy na gumawa ng krimen.

“We must first assess their responsibility to a crime before lowering the age of criminal liability. But if experts say that at the age of 12, minors can already assess his or her actions or responses to a situation that often leads him or her to commit a crime, we will accept this fact and the statute that is already filed in the lower house,” ayon naman kay Garganta.

Iginiit pa ni Garganta na dapat ring tukuyin ng mga mambabatas ang edad kung saan ang isang offender ay dapat na panagutin o hindi sa isang krimen.

Dapat rin, aniyang, may guidelines kung paano matutukoy na ang isang minor offender ay dapat na panagutin sa krimen na kanyang ginawa.

Anang CBCP official, dapat alalahanin at ikonsidera ng mga mambabatas at mga eksperto na ang ilang menor de edad ay gumagawa lamang ng isang bagay batay sa utos sa kanila o impluwensiya ng mga taong nakatatanda sa kanila.

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply