Pagpasa sa plastic ban bill minamadali

MINAMADALI na ngayon sa Senado ang pagpapatibay ng panukalang batas upang tuluyang ipagbawal ang paggamit ng non-biodegradable plastic bags na sinasabing nagpapalala sa pagbaha sa Metro Manila at ibang panig ng bansa.

Tinatapos na ni Sen. Manny Villar, chairman ng Senate committee on trade and commerce, ang report hinggil sa panukalang batas para maipagbawal na ang paggamit ng plastic bags sa groceries, supermarket, public market, restaurant, department store, fast food chain at iba pang establisimyento.

Ang panukala ay pinagsamang Senate Bill No. 1103 ni Villar, SB No. 1543 ni Miriam Defensor Santiago, SB 2749 ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at SB 2759 ni Loren Legarda.

“As plastics play an increasing role in packaging and popularizing consumer products, they also take up a growing percentage of solid waste environmental challenge,” paliwanag ni Villar.

Ang siyudad ng Muntinlupa ang siyang unang nagpatupad ng ban sa paggamit ng non-biodegradable plastic bags, kung saan nakumpirma sa pagdinig ng komite ni Villar na nabawasan na ang matinding pagbaha sa Muntinlupa dahil sa nabawasan din kundi man nawala ang mga plastic bag na bumabara sa mga drainage.

Ipinaliwanag naman ni Legarda na matapos magamit ang plastic bag, ito ay napupunta na sa mga basurahan, drainage at iba pang anyo ng katubigan kung saan inaabot ito ng ilang dekada bago matunaw.

Inihalimbawa ni Legarda ang malawakang pagbaha noong 2009 nang manalasa ang bagyong Ondoy kung saan sinasabing ang mga plastic bag ang nagpalala sa pagbaha.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply