Pagpaslang sa Dutch missionary, imbestigahan

CITY OF SAN FERNANDO, PAMPANGA – Nanawagan ang independent at thorough na imbestigasyon ang grupong Hustisya  para malaman ang tunay na motibo ng pagkakapaslang sa Dutch missionary na si Wilhelmus Geertman.

Si Geertman,67 ay pinaslang Hulyo 3 ng tanghali sa kanyang opisina saPampanga.

“Nananawagan kami ng hustisya para sa isang alagad ng simbahan na aktibong tagapagtanggol ng kalikasan, mga magsasaka at maliliit na mamamayan. Kahit dayuhan siya sa ating bayan, gaya ng Italyanong pari na si Fr. Fausto Tentorio ay nag-alay siya ng buhay para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino,” pahayag ni Cristina Guevarra, secretary general ng Hustisya.

Si Geertman ay executive director ng Alay Bayan, Inc., isang non-government organization para sa disaster preparedness na nakabase sa Central Luzon. Mahigit apat na dekada nang nangunguna si Geertman sa kampanya laban sa mapaminsalang pagmimina at pagtotroso sa rehiyon, lalo na sa probinsya ng Aurora.

Pinaslang si Geertman ilang araw matapos paslangin si Romualdo Palispis, 57, tagapangulo ng Justice and Peace Action Group of Aurora (JPAG) at aktibong miyembro ng Bayan Muna.

“Parehong aktibo ang dalawa sa mga isyung mapaminsala sa kalikasan at mamamayan,” ani Guevarra.

Sa isinagawang initial fact finding mission ng grupo kasama ang mga taong simbahan, Karapatan-Central Luzon at Bayan-Gitnang Luzon ngayong araw, isinalaysay ng kanyang mga kasamahan kung paano binaril si Geertman sa loob ng bakuran ng kanilang opisina.

Ikinuwento ng mga saksi na pagdating nila sa opisina lulan ng kanilang sasakyan noong Hulyo 3, sumulpot ang dalawang lalaking armado ng mga revolver. Tinutukan ng isa si Geertman, na kaagad nagtaas ng dalawang kamay, at humarap pa sa armadong lalaki.

Ayon kay “Celso,” isa sa mga kasamahan ni Geertman, kinuwelyuhan, itinalikod at pinaluhod ang biktima bago barilin sa batok na naging sanhi ng pagkamatay nito. Nakahandusay na si Geertman nang mapansin ng mga saksi na wala na ang bag nito.

Samantala, hindi na nakababa si “Celso” ng sasakyan kasama ang drayber dahil nakatutok naman sa kanila ang baril ng isa pang armadong lalaki.

Tumakas ang dalawang armadong lalaki sakay ng isang nag-aabang na motorsiklo na nakaparada sa di-kalayuan lugar ng insidente, na minaneho ng isa pang lalaking nakasuot ng helmet.

Ayon sa inisyal na nakalap na pahayag ng fact-finding team, maaaring target si Geertman ng pamamaslang.

Tinuligsa naman ng fact-finding team ang pahayag ng pulisya na pagnanakaw ang motibo ng mga suspek gayung hindi pa naisasagawa ng lubusan ang imbestigasyon.

“Ayon sa kanyang mga nakatrabaho, dati nang naging target si Geertman ng pagbabanta at harassment dahil sa kanyang aktibong paglahok sa mga isyung pang-kalikasan,” ani Guevarra.

Dagdag pa ni Guevarra, kailangang maglunsad ng malalimang imbestigasyon sa pagpaslang kay Geertman, lalo na hindi ito ang unang pagkakataon na ikinakatwirang simpleng pagnanakaw ang motibo sa insidente, gaya ng mga naunang biktima ng extrajudicial killings sa rehiyon na si Bishop Alberto Ramento ng Iglesia Filipina Independiente sa Tarlac.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply