Pagpaslang sa Dutch national, pinaiimbestigahan ng Malakanyang

PINAIIMBESTIGAHAN na ng Malacañang sa Philippine National Police (PNP) ang pagpaslang sa Dutch national na si Willem Geertman na sinasabing sumusuporta sa Hacienda Luisita farmers.

Sinabi ngayon ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, na dapat malinawan ang motibo ng pagpatay at maaresto ang mga responsable.

“The PNP has been directed to investigate the matter and the motivation for the murder,” ani Valte.

Pasado alas-12:00 ng tanghali noong Hulyo 3, nang pagbabarilin ng dalawang suspek ang biktima sa harapan mismo ng tanggapan sa San Fernando, Pampanga at tinangay din ang mahigit P1 million cash.

Samantala, tiniyak ngayon ng mga awtoridad na kanilang titingnan ang lahat ng anggulo sa kaso ng pagpatay kay Geertman.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), lumalabas sa insiyal na imbestigasyon na pagnanakaw ang motibo ng mga suspek dahil nawawala umano ang bag na bitbit ng biktima na sinasabing naglalaman ng mahigit P1 milyon.

Si Geertman ay executive director ng grupong Alay Bayan-Luson Inc. (ABI), isang development organization na sinasabing sangkot sa kontrobersyal na land issue ng Hacienda Luisita sa lalawigan ng Tarlac.

Si Willem Geertman ay isang relihiyosong misyonaryo na masugid na naglingkod at nagtaguyod sa karapatan ng mga katutubong Dumagat-Alta sa ilalim ng BATARIS- isang NGO sa lalawigan ng Aurora. Isa rin siya sa naging instrumento sa pagkakabuo ng Samahan ng mga Katutubo sa Sierra Madre o SKSM, isang panlalawigang organisasyon ng mga katutubo sa Aurora.

Masugid ring tagasuporta si Geertman ng mga katutubo sa paglaban sa mga proyekto na hindi kapaki-pakinabang sa mga katutubo at nagdudulot ng walang pakundangang paglabag, walang pagrespeto sa kolektibong kapasyahan ng mga katutubo.

Kilala rin si Geertman bilang environmental advocate na nagkampanya sa isyu ng climate change at ang masamang epekto ng mina sa ating kalikasan at sa mga mamamayan.

Ang pagkamatay ni Geertman ay isang malaking kawalan hindi lamang sa mga katutubong mamamayan kundi maging sa mga mamamayan ng buong Central Luzon, ayon sa grupong Katribu.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply