Pagpatay sa mediamen labanan nang harapan

MULING nayanig ang ating hanay sa pagpaslang kay Nixon Kua.

Si kasamang Nixon ay dating reporter ng Philippine Star at sa mga araw na pinaslang siya ay isa siyang kolumnista ng Pilipino Star Ngayon.

Nalagutan ng hininga si Nixon dakong alas-10:30 kamakalawa ng gabi sa isang ospital sa Calamba, Laguna.

MGA SUSPEK ARESTADO

Naaresto na ang mga suspek, ayon kay Laguna Police Director Gilbert Cruz.

Sina John Rey Cortez, Darwin Samiano at Noel Garcia na sumuko sa  Kapitan ng Barangay Maunong at residente na rin dito.

Sumuko makaraan ang ikaapat na suspek na si Michael Molino.

Ang babantayan na lang natin dito ay kung palalayain o hindi ng mga piskal at huwes ang mga suspek na ito, kung sila na nga ang pumatay kay Nixon.

PANG-6 SI NIXON

Panglima na si Nixon sa taong ito na pinapatay sa hanay ng mediamen.

Nauna nang pinagbabaril sina Nestor Libaton, reporter radio dxHM, sa Mati, Davao Oriental.

Pinagbabaril din si Jayson Calanasan, reporter ni Laguna Courier, sa San Pablo City, Laguna.

Si Rommel ‘Jojo’ Palma, ng DxMC-Bombo Radyo sa Koronadal ay pinaslang din sa pamamagitan ng bala.

Pinatay rin sina Aldion Layao noong Abril 8 at Christopher Guarin noong Enero 5.

SINO ANG SUSUNOD?

Masakit ngunit kailangan na tanungin natin kung sino sa ating hanay ang susunod na kikitlan ng buhay ng mga kriminal.

Nagtatanong tayo hindi upang isubo ang ating mga sarili sa mga mamamatay-tao.

Nagtatanong tayo upang magkaroon ng pag-iingat ang mediamen sa mga trigger-happy na mga animal.

Nagtatanong tayo upang magising ang mga natutulog na awtoridad sa hindi magandang kalagayan ng mamamayan sa kamay ng mga murderer.

Pero sa lahat ng panahon, ang tanong ay para sa mediamen para sila lubos na makapag-ingat.

Lalo na’t hindi naman maaasahan ang mga protektor natin na protektahan tayo.

Masakit na salita ngunit totoo.

TOTOO NA HINDI TOTOO

Bagama’t maaaring totoo ang sinasabi ni Pangulong Noynoy na lumiliit na ang bilang ng naitatalang krimen habang nagtatagal siya sa puwesto, hindi ito nangangahulugan ng paghupa ng krimen sa paligid.

Nasa diaryo tayo, mga Bro, at nakapaninindig-balahibong araw-araw tayong nakapag-uulat ng mga pinapatay.

Walang araw na lumilipas na walang napapatay.

Wala ring araw na lumilipas na may nire-reyp.

Wala ring araw na lumilipas na may reklamo laban sa kotong at dumarami pa yata ito.

Dumarami ang kotong dahil sa pagdami ng mga pulis at pagdami rin ng mga traffic enforcer sa bayan-bayan at lungsod.

Kitang-kita ito sa mga text message sa ating bilang sumbong at sa iniuulat ng ating mga kasamahang reporter, correspondent at photographer.

Hindi ba krimen ang pangongotong dito?

NAKATATAKOT NA ANG BUHAY

Nakatatakot na tuloy ang mabuhay sa mahal kong Pinas.

Mantakin mo, kung hindi ka papatayin ng mga awtoridad na ating naisusulat ang kalokohan, papatayin ka ng mga holdaper at rapist.

Kung hindi ka naman papatayin, kokotongan ka naman sa mga lansangan.

Pero nakasusurbayb tayo sa mga kotongan na hindi maawat-awat lalo’t nagiging ligal na ang pangongotong.

Sa bawat kasalanan o traffic violation, halimbawa, 20 porsyento ang kikitain ng mga pulis o enforcer.

Mapagtitiyagaan natin ang makotongan.

Pero yang patayin tayo, mga Bro, ay ibang usapan na.

Kung hindi ka matatakot, baka ikaw na rin ang makapatay sa mga tarantadong kung kumalawit ng buhay ay ganun-ganun na lamang.

MABILIS NA KATARUNGAN

Para magkaroon ng tunay na katarungan sa mga pamamaslang, dapat na mabilis ang katarungan.

Hindi dapat ito abutin ng 20 taon bago magkaroon ng pinal na desisyon ang Korte Suprema.

Sa mga binibitay na mga kababayan natin sa Tsina dahil sa droga, matagal na ang apat na taon mula sa mababang hukuman hanggang sa araw ng pagpaparusa.

Dapat sana ay mas mabilis pa rito, mga Bro, ang pagtakbo ng katarungan upang hindi malagay sa alanganin ang mga testigo at iba pang anyo ng ebidensya sa mga pagdinig sa kaso.

Habang nagtatagal kasi ang mga kaso, pinapatay ang mga testigo, nasisira ang iba pang ebidensya.

Nakatatakas din ang mga akusado o nakapagpa-piyansa at sa huli ay nakapamiminsala na naman.

HULIHIN MUNA

Pero walang silbi ang pag-uusap sa katarungan kung hindi naman nahuhuli ang mga suspek.

Kitang-kita ito sa kaso ni Doctor Gerry Ortega na ang pinagbibintangan ay mga makapangyarihang tao.

Kailangan ang mabilis na panghuhuli sa mga posibleng suspek.

Kung nagagawa ng mga pulis ang manghuli ng mabilis sa mga maliliit na suspek sa krimen, dapat ganito rin ang mangyari sa mga suspek na makapangyarihan at mayayaman.

PAG-AARMAS

Naiisip tuloy natin kung pupuwedeng maisyuhan ng armas ang lahat ng mediamen.

Ito’y bilang panangga nila sa mga gawain ng mga mamamatay-tao na ganun na lamang kung pumatay.

Anong sey, niyo?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply