Pagtaas ng presyo ng petrolyo, binatikos

BINATIKOS ni Zambales Rep. Mitos Magsaysay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa lokal na merkado, lalo pa’t nangyayari ito halos kasabay ng pagtatalumpati ng Pangulo sa kanyang ikatlong SoNA.

“Napakaraming magagandang punto ng SoNA pero ang kulang dito ay kung paano ba mapapababa ng pamahalaan ang presyo ng mga pangunahing bilihin kabilang na rito ang petrolyo,” aniya.

“Higit pa rito , may mga ulat pa na itinatago ng mga LPG sellers ang kanilang mga stock dahil sa napipintong pagtataas na naman presyo nito sa mga susunod na lingo.”

Ani Magsaysay, hindi rin nagbigay ng konkretong mga hakbang ang Pangulo ukol sa Oil Deregulation Law na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga dambuhalang kumpanya ng langis na magpatupad ng sunod sunod na pagtataas ng presyo ng kanilang mga produkto na patuloy na iniinda ni Juan dela Cruz.

“Ito ay nakakaapekto sa buhay ng ordinaryong Pilipino, dahil pag mataas ang presyo  ng langis, dumadagdag ito sa transportation expenses ng mga mangangalakal na nagdadala ng kanilang produkto sa mga kabayanan. Kapag mataas ang presyo ng langis, tumataas ang pamasahe, kaya’t lalong nababaon ang ordinaryong tao na kakarampot lang ang kinikita. Ang problema kasi kapag nagtaas ng presyo sa pambansang merkado mabilis pa alas kuwatro ang adjustment ng presyo sa mga gasolinahan pero pag rollback, daig pa ang pagong sa bagal at iilang sentimo lamang kumpara sa piso pisong itinaas nila.”

Ani Magsaysay, habang pinapapurihan ng Pangulo ang DoE sa kanilang mga nagawa, tila naman hindi kumikilos ang ahensiya sa matagal nang hiling na usisain ang mga record ng mga kumpanya ng langis upang masiguro na hindi sobra sobra ang patong nila sa kanilang mga produkto.

“Prayoridad man lang ba ito ng pamahalaan? Dahil kung tatanungin ang kahit sino sa kalsada ngayon, panigurong isa ito sa kanilang idadaing dahil sila ang direktang apektado nito.”

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply