Palusot sa 2013 election umpisa na sa ARMM

ALAM na sa buong ARMM na ang napipintong pagpapalista muli ng mga botante ay simula Hulyo 8-19, 2012 para sa 2013 election.

Samut-saring problema naman ang dulot nito hindi lang sa local government units kundi sa lahat ng stakeholders kabilang ang mga pribadong indibidwal na matamang nagmamasid sa mga kaganapan.

Sa bahagi ng mga taga- Comelec, ang paghahanda nila ay sinimulan nang ilahad ang kanilang timeline sa pagsasaayos ng skedyul ng pagpapalista. Kabilang dito ang mga nakatakdang pagsasanay sa limang lalawigan ng Basilan, Tawi-tawi, Sulu, Maguindanao at Lanao del Sur ng mga kasapi ng technical working groups at supervising personnel na kinabibilangan ng  regional directors at staff ng Comelec.

Ang kainaman, ika ng isang taga-Comelec, ang paggamit ng tagalabas o non-ARMM Comelec personnel sa pagmamando ng  listing centers bagamat ang mga lokal na election officer pa rin ang tatayong EO sa kani-kanilang lugar.

Oops, pero teka muna, at mukhang me pahabol na inside story sa pagtatalaga ng mga Commissioner-in-Charge, ayon sa isang impormante sa Comelec.

Sa limang lalawigan ng ARMM, bawat nakaupong commissioner ay may hahawakan na lalawigan, maliban sa kanilang chairman na si Commissioner Sixto Brillantes. Ayon sa impormante, makailang beses ng nabago ang assignment ng mga CIC dahil sa pag-iwas ng mga commissioner na mailagay sila sa Lanao del Sur at Basilan. Ang Lanao del Sur ay laging nalalagay sa spotlight dahil sa sobrang gigil ng mga politiko rito na manipulahin ang kani-kanilang lugar para maisagawa ang mga plano nilang makopo ang kapangyarihang pulitikal sa anomang klase ng mga pamamaraan. At sa Basilan, ang hidwaan naman ng pamilya ng Hataman at Akbar ang dahilan bagamat kamakailan lang ay lumagda ang magkabilang panig sa peace covenant.

Isang konkretong halimbawa, umano, ang sulat na ipinadala ni Basilan Gob. Jum Akbar sa opisina ni Chairman Sixto Brillantes na hinihiling nito na ilagay sa matamang listing centers ang bawat itinakda ng Comelec sa mga munisipyo at syudad ng Basilan para maiwasan ang kaguluhan at kalituhan ng mga magpapalista.

Tsk! Tsk! Tsk! Akala ng lahat, tapos na ang hidwaan ng Hataman at Akbar sa Basilan.

Sana lang, maisaayos ang pagpapalista nang naaayon sa hustong istatistika at lohika para hindi masayang ang oras, pagod at pera ng gobyerno na mabigyan lunas ang mga problemang elektoral sa ARMM.

Tigilan na ang pagpapalusot ng ilang indibidwal at grupo para lang makaungos sa kapwa na alam naman nating bawat palusot nila ay may hangganan.

–0–

May 40% ng kabuuang budget ng Department of Agriculture sa taong ito ang inilaan ng pamahalaan ni PNoy para sa buong Mindanao sa layunin nitong maiahon sa kahirapan ang maraming bilang ng residente, ayon kay Sec. Proceso Alcala, na personal na pinupuntahan ang halos bawat sulok ng Mindanao para ma-validate ang mga proyekto.

Ang ARMM sa kauna-unahang pagkakataon ay makakukuha rin ng sapat na suportang pinansyal dahil sa tiwala ni PNoy kay OIC ARMM Regional Governor Mujiv Hataman na pangunahan ang mga repormang nauukol sa agrikultura. P510M ang inilagak ng DA sa ARMM sa pamamagitan ng MOA sa pagitan ni Sec. Alcala at RG Hataman.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply