Panagutin ang mga may gawa ng baha

ANO ba talaga ang dapat gawin sa mga pagbaha sa Metro Manila?

Nagtatanong tayo, mga Bro, dahil sinasabi ng mga awtoridad na oks na ang lahat.

Yun bang === hindi na gaanong magbabaha.

Kaya hindi na gaanong mapeperhuwisyo ang nasa 15 milyong residente ng lugar tuwing tag-ulan at may high tide.

HINDI TOTOO

Pero hindi naman totoo ito dahil sa kaunting ulan lang ay grabe na ang mga pagbaha.

Sa ibang salita, hindi totoo na epektibo laban sa baha ang lahat ng mga pinaggagawa ng gobyerno  na proyekto rito.

Nitong nakaraang low pressure area lamang at sa mga pag-ulan hanggang kahapon, ang daming binahang lugar.

Mantakin ninyo, kahit na sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na nalusaw na ang low pressure area, nagkaroon pa rin ng mga baha dahil sa konting ulan.

CAMANAVA FLOOD CONTROL

Tingnan natin itong ipinagmamalaki na CAMANAVA Flood Control Project na sumasakop sa Caloocan, Malabon at Navotas.

Anak ng tokwa, todo reklamo ang katoto nating si Bong Padua sa mga depekto ng proyektong ito.

Noong 2003, sinimulan ito sa halagang P3.5 bilyon at itinakda na matatapos ito sa loob ng limang taon o noong 2007.

Dala ng mga milagro at misteryo sa paggawa rito, sa awa ng mga tipaklong, natapos ang proyekto nitong nakaraang taon pero sa halagang P5.5B na.

Napagpalipat-lipat pa nga ang kontrol dito mula sa Department of Public Works and Highways sa Metro Manila Development Authority at bumalik na yata ito sa kamay ng DPWH.

INIREREKLAMO

Noong tumira ang Ondoy, ang laki ng tuwa ng mga taga-CAMANAVA at hindi sila gaanong napinsala.

Dahil umano sa proyekto.

Hindi nasali ang mga taga-CAMANAVA sa mga nagbilang ng libong patay dahil sa baha.

Pero nang magkaroon ng mga high tide nitong nagdaang mga araw, anak ng tokwa, pinagbabaha sila.

Yun pala, maraming dike ang wala sa sukat pataas.

Pandak ang mga dike kumpara sa mga nakalagay sa plano o programa.

Isa pa, may mga ginawang dike na puro galing pala sa putik at hindi sementado gaya ng nasa plano o programa pa rin.

Ngayon dahil sa high tide, binabaha ang mga pandak na dike. At kung magsiyam-siyam ang ulan, tiyak namang madaling malusaw ang mga putik na dike.

Itanong niyo pa sa mga nasa malapit sa mga dike na ganito.

Ang tanong: paano kung magsalubong ang baha mula sa ulan at baha mula sa dagat? Eh di babahain ang mga taga-CAMANAVA!

MAGPAPLASTIK

Kalkal nang kalkal naman ang MMDA sa mga ilog at sapa sa Metro Manila upang matanggal ang mga barang plastik at putik sa mga ito.

Kaya inaasahan na mapapawi ang mga baha sa magandang pagdaloy ng mga tubig sa mga ilog at sapa.

Pero pagtalikod ng mga ito sa isang lugar, puno na naman ng mga basura ang mga ilog at sapa.

Kaya bumabalik ang mga baha at umaapaw hanggang sa mga lansangan at kabahayan  eksperimento

SA MARIKINA

Noong nakaupo bilang mayor si BF o Bayani Fernando, nakita natin nang personal ang ipinagawa nitong giant na dike na humati sa Marikina.

Diretso ang tubig mula sa Marikina patungo sa Marikina River na konektado sa Manggahan Floodway at Pasig river.

Pero nang nagka-Ondoy, unang nadale ang Marikina at pinakamarami ng mga residente nito ang nangagsimatay sa lunod.

Hindi umubra ang paniniwala na maaalis ang baha sa Marikina dahil tatakas ang tubig sa Marikina River.

ANO ANG MGA DEPEKTO?

Nabanggit na natin ang mga depekto sa CAMANAVA flood control project.

Gayundin na may pananagutan ang lahat ng mga nagtatapon ng plastic at iba pang basura sa mga ilog at sapa.

Pero ano ang mayroon sa Marikina at madali itong mabaha? Ito bay’ dapat na pag-aralan nang mabuti ng mga awtoridad.

KALBONG KAPALIGIRAN

Magkakaroon ng liwanag ang problema sa Marikina kung iisipin ang pagkakalbo sa mga kabundukan sa paligid nito.

Sobra ang bilis ng pamumutol sa mga puno para pagtayuan lang ng mga subdibisyon, pabrika at proyekto ng gobyerno.

Ito marahil ang isang malaking depekto sa paggawa ng mga proyektong laban sa baha.

ANO-ANO ANG MGA GAGAWIN?

Malinaw ang mga depekto sa mga programa o proyektong laban sa baha.

Sa CAMANAVA flood control project, paano pananagutin ang mga lintek na gumawa ng mga pandak na dike at putik na dike?

Sino-sino ba ang mga kontraktor diyan at ang mga nag-okey sa proyekto makaraang ideklarang tapos na ito?

Paano naman pananagutin ang mga walang disiplina sa pagbabasura ng mga plastik?

Sino-sino sa mga taga-MMDA ang loko-loko sa pagkalkal nang hindi maayos sa mga ilog at sapa?

Sino-sino naman ang mga walang habas na namumutol ng mga kahoy?

Sino-sino ang mga mabibilis pa sa kidlat sa gobyerno na nag-aapruba sa mga proyekto na kakambal ang pagkalbo sa mga kagubatan?

Dapat panagutin ang lahat ng ito, mga Bro.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply