Panawagan ng mga obispo vs mining EO, suportado ng makakalikasan

SINUPORTAHAN ng Kalikasan Partylist ang panagawan ng mga obispo ng Simbahang Katoliko na magkaroon ng moratorium sa bagong executive order (EO) ng Palasyo sa pagmimina.

Nakiisa ang Kalikasan Partylist sa isang kilos protesta ngayong hapon sa harap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Quezon City, kasabay ng pag-anunsyo ng Palasyo sa mining EO.

“Hindi sagot ang EO ng Palasyo sa mga salot na nilikha ng Republic Act 7942 o ang Mining Act of 1995. Isa lamang itong panakip-butas sa matagal nang nabubulok na mga sugat na nilikha ng liberalisasyon ng pagmimina sa Pilipinas. Ang matindi pa rito, ginagamit pa ang ngalan ng kalikasan upang bigyang-katwiran ang pagpasok ng mas maraming dayuhan at malakihang minero,” ani Frances Quimpo, Secretary-General ng Kalikasan Partylist.

“Kapalit ng ilang konsesyon at hati ng gobyerno, papayagan ng EO ang higit na pandarambong ng ating likas na yaman. Pinapayagan pa rin nito ang malakihang eksport ng mga minerales na maaari sanang gamitin para sa pagtatayo ng mga pambansang industriya. Ibinabaliktad nito ang mga desisyon ng lokal na komunidad at LGUs na huwag payagan ang pagmimina sa kanilang mga munisipalidad. Nakasandig pa rin ito sa patakaran ng mining liberalization, na nagdulot ng malakihang pagkasira sa kalikasan, paglabag sa karapatang-pantao, at pagtataboy sa mga komunidad,” aniya.

“Imbes na suportahan at paunlarin ang lokal na industriya ng small-scale mining (SSM) na nagbibigay ng kabuhayan sa maraming mahihirap na Pilipino, tila mas interesado ang EO sa pagkiling sa interes ng mga malalaking minero. Hinihigpitan ang sinturon sa mga SSM upang luwagan at mabigyang-puwang ang dayuhan at malakihang pagmimina,” ani Quimpo.

Nagpahayag rin ng dismaya ang Kalikasan Partylist sa kawalan ng transparency at konsultasyon ng Palasyo hinggil sa EO. “Parang ang Chamber of Mines (CM) lamang ang nakalaalam at nakokonsulta ng Palasyo hinggil sa nilalaman ng EO na ito. Sa katunayan, tila ang CM lang yata ang umaasa na magiging kapaki-pakinabang ang EO. Samantalang maraming mga importanteng stakeholders – katulad ng mga apektadong komunidad, LGUs, makakalikasang grupo at mga katutubo – ay nagagalit dahil hindi kami nakonsulta at dahil hindi sinasagot ng mga probisyon nito ang mas malaking problema kaugnay sa pagmimina sa bansa,” ani Quimpo

“Tila nagmamadali na ang mga malalaking korporasyon na magsimula sa pagmimina. Sa katunayan, ang Sagittarius Mines Inc. (SMI) na pagmamay-ari ng dayuhan ay humihiling na sa Malacanang na baliktarin ang pagbabasura ng kanilang permit ng DENR. Ang proyekto ng SMI ay makikinabang sa pinakamalaking reserba ng copper at ginto sa Timong Silangang Asya at sasakop sa mahigit 10,000 ektarya ng lupain sa mga probinsiya ng South Cotabato, Sultan Kudarat, Davao del Sur at Sarangani,” ani Quimpo.

“Pinagmamalaki ng Palasyo na naaayon ang bagong EO sa Konstitusyon kahit hamunin ito sa Korte Supreme, samantalang hindi nito ibinubunyag ang buong nilalaman ng sinasabing EO. Ngayong araw, habang inilalabas ng ng Judicial Bar Council ang mga nominado para sa pwesto ng Supreme Court Chief Justice, nananawagan rin kami sa publiko na maging mapagmatyag sa magiging posisyon ng susunod na Chief Justice sa mining EO ng Palasyo,” ani Quimpo.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply