Pangungunahan ng AIMM ang “Abiso Summit” para mapabuti ang mga anunsyo

DAHIL sa paglipat ng DepEd sa mga lokal na pamahalaan ang pag-aanunsyo ng suspension ng klase kapag masama ang panahon, kailangan pag-usapan naming mga Public Information Officers (PIO) sa lalong madaling panahon kung papaano ang magandang sistema para sa ikabubuti ng mga apektadong estudyante.

Ideally, dapat taga-anunsyo lang kami ng desisyon ng aming mayors base sa rekomendasyon ng mga lokal na Disaster Risk Reduction Management Councils (DRRMC). Ngunit importante na marunong din kami para kung gipit sa oras at kami lang ng mayor ang magkausap nang madaling-araw ay makatutulong kami kahit papaano.

Kaya nga maganda ang offer ni Dr. Mahar Lagmay ng Project NOAH ng DOST na bigyan kami ng guidelines ng Pagasa para basehan sa suspensyon ng klase. Ito ay kanyang inalok ng magkausap kami nila Mayor Del De Guzman pagkatapos ng launching ng Project NOAH sa Marikina nung Biyernes.

Bago nito, tinuruan ako ni Lagmay paano gamitin ang kanilang interactive website sa noah.dost.gov.ph. Ang laking tulong nito nung mga nakaraang linggo dahil nakapag-anunsyo kami ni Mayor Del ng maaga.

Balita ko nga, dahil dito, ay pinapurihan kami nila David Oro at Vic Lima sa DzMM nung Sabado dahil isa raw ang Marikina sa maganda ang sistema sa pag-anunsyo ng suspensyon ng klase. Kaya lang namin nagawa iyon ay dahil sa tulong nila Lagmay, Director Mon Liboro at Dr. Enrico Paringit ng DOST. Siyempre ang lahat ng ito ay dahil daw kay Sec. Mario Montejo na isa ring taga-UP.

Kaya naisip ko bilang presidente ng Association of Information Officers in Metro Manila (AIMM), kung matuturuan ng DOST-Project NOAH ang ibang PIO ay tiyak na pare-pareho na kaming maagang mag-anunsyo. Mag-schedule sana kami ng workshop sa tulong ng DOST pagkatapos ng aming monthly meeting na hosted ng MMDA sa July 19.

Kaso, mas maganda ang ideya ni kasamang David Oro, news editor ng DzMM, na makasama na rin ang media para maplantsa na raw lahat ng SOP sa pag-aanunsyo kapag may kalamidad. Puwede raw niya kaming tulungan na maimbitahan ang mga taga-DzBB, Radyo 5, DzRH, DzXL, DWIZ, atbp. Actually, dapat nga pati na rin mga taga-TV news isama na natin, sir David.

Kaya asahan nyo na mapapabuti na natin ang sistema sa pag-aanunsyo sa panahon ng kalamidad kapag matuloy itong “Abiso Summit” ng mga PIO, DOST, at media.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply