Panibagong hirap ni Juan de la Cruz

MATAPOS ilahad ni Pangulong Benigno Aquino III ang kanyang ulat sa bayan na pinamagatang “Ulat Kay Boss” sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong Lunes ng hapon may ilan na nasiyahan at marami ang nainis.

Ito ay dahil hindi umano isiniwalat ng Pangulo ang tunay na kalagayan ng bansa sa ilalim ng kanyang pamumuno. Ipinipilit ni Juan dela Cruz, ang totoo na apektado sa kalagayan ng bansa, na dinaya ang datos tungkol sa ekonomiya, kawalan ng trabaho at krimen.

Hindi raw maramdaman ng pangkaraniwang mamamayan ang sinasabing pag-angat ng ekomoniya ng bansa, ang pagdami ng trabaho at pagbaba ng antas ng kriminalidad dahil ang totoo ay marami sa atin ang walang pambili ng pagkain na ihahain sa hapag kainan, walang pambili ng pang-araw-araw na pangangailangan, pampaaral ng mga anak at pambayad ng tubig at kuryente.

Marami rin ang gumagawa ng krimen tulad ng pagnanakaw, panloloko ng kapwa, pagbebenta ng droga at pagbebenta ng sariling laman para lang may ipambili ng pagkain ng pamilya.

May mga pagkakataon pa na nauuwi sa karahasan ang simpleng krimen na kanilang nagagawa dahil na rin sa katuwirang kapit sa patalim sila upang mabuhay.

Isang araw makalipas ang SONA ni PNoy, mas lalong nagalit sa kanya ang mga mamamayan dahil sa biglang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na hinihinalang pinigil lang ng ilang araw  bago ang “Ulat kay Boss” upang hindi maisalampak sa mukha ng pamahalaan na walang magandang dulot ang pamamahala ng Pangulo.

Kahit ano pang dahilan ang ibigay ng mga tagapagsalita ng pamahalaan, natural ay hindi maiibsan ang inis (hindi pa galit) na kinikimkim sa puso ni Juan dela Cruz dahil siya talaga ang apektado sa mga kaganapan sa pang-araw-araw na nangyayari sa bansa.

Sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo tulad ng gasolina, diesel at gaas at maging Liquefied Petroleum Gas (LPG), malaki ang epekto nito sa pang-araw-araw na pamumuhay ni Juan dela Cruz dahil tiyak na panibagong pasanin sa balikat ang kanilang babatahin.

Iyon ngang hindi pa tumataas ang presyo ng produktong petrolyo o langis ay hirap na hirap na ang mga mamamayan dahil sa mataas na halaga ng mga bilihin, mataas na presyo ng edukasyon at kawalan ng sapat na trabaho, ano pa kaya kung biglang taas ng presyo ang langis?

Hilahod na tiyak ang kalala-basan ng pamumuhay ng mga mamamayan.

Ang mga dating nag-uulam ng dilis ay tiyak na asin at tubig na lang o bagoong ang iuulam sa konting kanin. Ang mga kumakain ng noodles na may napakaraming sabaw ay baka mainit na tubig na lang ang higupin dahil sa sobrang hirap ng buhay bunga ng pagtaas ng presyo ng langis na tiyak na magiging kasabay ng pagtaas ng mga pangunahing bilihin.

Sa isip ni Juan dela Cruz, niloloko lang tayo ng pamahalaan ni PNoy dahil ipinagmamalaki nito ang sunod-sunod na rollback sa presyo ng langis na nauwi sa pagbaba ng 50 sentimos sa halaga ng pasahe. Subalit pinasakam o pinaasa lang tayo sandali dahil makalipas ang SONA ay heto na naman ang paibagong pagtaas sa presyo na langis. Kung magbaba sa presyo ay halos napakaliit tapos ang itinaas ay biglang halos kulang P2.

Aba’y talagang niloloko lang tayo! Hindi mararamdaman ni Don Quijote at Doña Delilah ang pagtaas ng presyo ng langis at bilihin dahil marami naman silang pambili dulot ng talay na yaman pero ang pangkaraniwang tao ay halos buhay na nila ang katumbas sa pagtaas ng  presyo dahil sa kawalan ng salapi na gagastusin.

Sana naman ay magawan ng paraan ng administrasyon ni PNoy na mapababa ang presyo ng langis, kuryente, tubig at bilihin bukod pa sa maipatupad ang mura subalit dekalidad na edukasyon sa kabataan at trabaho para sa marami nang sa ganoon ay mabawasan ang kriminalidad sa bansa.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal?
Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply