Patutsada ni Erap, dinedma ng M’cañang

PATAY-MALISYA ang Malakanyang sa patutsada ni dating Pangulong Joseph Estrada sa di umano’y pamimirata ng administration coalition (Liberal Party, Nacionalista Party (NP) at Nationalist People’s Coalition (NPC) sa mga kandidato ng United Nationalists Alliance (UNA) na itinatag nila ni Vice President Jejomar Binay.

“Alam niyo campaign na ‘yan e. I think si former President Estrada is gearing up for the campaign. What the Liberal Party is doing right now is also gearing up for the campaign for the election in 2013,” ayon kay Presidential spokesman Edwin Lacierda.

Nauna nang kinuwestiyon ang koalisyon ng LP sa Nacionalista Party (NP) ni Sen. Manny Villar at Nationalist People’s Coalition (NPC) para sa 2013 elections.

Kamakalawa ay idinepensa ni Sec. Lacierda ang naturang koalisyon at dapat iginiit na kailangang mag-move-on na mula sa hidwaan nina Pangulong Aquino at Villar.

Sa kabilang dako, ipaubaya na ni Sec. Lacierda  kay Transportation Sec. Mar Roxas, presidente ng LP,  para sumagot sa mga nasabing katanungan.

Aniya, ang bawat partido ay naghahanda na para sa pangangampanya sa eleksyon at hayaan si Roxas na ang magbibigay sa posisyon ng LP kaugnay sa mga batikos.

Bukod kay Erap, marami ang nagulat sa pakikipag-alyansa ng administrasyon na tinawag nilang tiwali dahil sa C-5 scam at binansagang ‘Villarroyo’ noong nakaraang 2010 elections.

Samantala, sinabi naman ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo, miyembro ng Liberal Party na tuloy-tuloy ang usapan sa pagitan ng LP at NP kung saan ay may detalyeng dapat ayusin lalo na sa kanilang ikakasang national ticket sa 2013 midterm elections.

“‘Yung LP-NP po tuloy-tuloy ang usapin. Palagay ko ho may mga detalyeng kailangang ayusin. Siguro ho linawin lang namin na sa ngayon po ‘yung coalition ang pinag-uusapan ‘yung national ticket. Hindi pa po nag-uusap tungkol sa local tickets. Kung meron hong konting confusion sa bagay  na ‘yon, ang ibig lang pong sabihin hindi pa nakarating doon ‘yung usapin. Kaya nga po sinasabi namin na hindi pa buo ‘yung pangkalahatan ng coalition kasi kung nagkasundo man po ang pagbuo ng national ticket, meron pa po kaming dapat na ayusin sa ibaba,” ayon sa Kalihim.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply