Pekeng loan package

LIBO-LIBONG ang galit na galit sa pamunuan ng Home Mutual Development Fund na mas kilalang Pag-Ibig Fund dahil sa anila ay mali at misleading na loan package na inialok nito kamakailan sa mga kasapi nito sa buong kapuluan.

Sa mga hindi pa nakaaalam, ang Pag-Ibig ay pinamumunuan nina Vice President Jejomar C. Binay bilang Chairman at ni Atty. Darlene Berberabe na siya namang Chief Executive Officer.

At hindi gaya ng ibang pension fund, inuutos ng batas na lahat ng empleyado, mula man sa gobyerno o pribado, ay kailangang maging miyembro ng Pag-Ibig. Ang mga kasapi lang kasi ng Social Security System ay mga empleyado mula sa private sector samantalang ang Government Service Insurance System naman ay panay taga-gobyerno lang ang mga miyembro.

Kaya naman hindi kataka-taka na sa tatlong pension fund na ito ay ang Pag-Ibig fund ang pinaka-astig at talagang maasahang takbuhan ng mga tao sa oras ng kanilang mga pangangailangan.

Noong una ay ayos naman ang palakad nina Binay at Berberabe pero ngayon ay minumura sila ng mga kasapi nila dahil sa isang sablay na press release.

Kamakailan kasi ay lumabas sa mga balita na nagbibigay raw ng loan package ang Pag-Ibig na kung tawagin nila ay vacation loan o di kaya ay depression loan. Pangunahing layunin daw ng loan ang mabigyan ng tsansa ang mga miyembro na makapamasyal at nang mabawasan naman ang kanilang mga problema at depresyon. Nakita pa sina Binay at Berberabe sa telebisyon noong isang linggo na ipinapaliwanag kung bakit nagbibigay sila ng ganun klaseng pautang.

Kaya naman hindi nakapagtataka na magdagsaan sa mga opisina nila ang napakaraming miyembro na iyong iba ay mula pa sa mga malalayong lugar para mag-avail ng loan.

Pero ang masakit, pagkatapos mahirapan silang mag-ayos ng mga kailangang dokumento ay saka nila malalaman na wala naman palang ganoong klaseng pautang. Nagmukha tuloy kawawa at katawa-tawa ang mga miyembro kaya tuloy galit na galit sila kina Binay at Berberabe.

Sa madaling salita, nagyabang lang at nagpapogi si Binay kaya siya nagpa-press release ng ganoon. Ang masakit pa nito ay hindi man lang siya nag-sorry hanggang ngayon kahit alam naman niya na palpak ang ginawa niya at maraming tao na miyembro ng Pag-Ibig ang inabala at pinaasa niya.

Kung ganito nang ganito si Binay, dapat kalimutan na niya ang pangarap niyang maging Presidente. Baka nakalimutan niya na ang mga boto niya ay manggagaling sa mga kasapi ng Pag-Ibig at hindi biro iyon dahil milyon-milyon ang mga miyembro na iyon.

=ooo=

Para sa inyong reaksyon at suhestiyon ay huwag mag-atubiling mag-email sa bobbyricoh-@yahoo.com, bobbyrey1962-@gmail.com at hagupitnewsdesk@yahoo.com.ph.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply